Sabado de Gloria - 11 Abril 2020 4/8

Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
(Ikaapat na Pagbasa at Salmo)

Ebanghelyo At Mga Pagbasa
Mahal Na Araw 2020


“O Jerusalem, nagdurusang lunsod na walang umaliw sa kapighatian, muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko’y mamahaling bato.” (Isaias 54:11)

Ang iyong naging kasintaha’y ang may likha sa iyo, siya ang Makapangyarihang Panginoon; ililigtas ka ng Diyos ng Israel, siya ang hari ng lahat ng bansa. Israel, ang katulad mo ay babaing bagong kasal, iniwan ng asawa, batbat ng kalungkutan. Ngunit tinawag kang muli ng Panginoon sa kanyang piling at sinabi: “Sandaling panahong kita’y iniwanan ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kukupkupin. Sa tindi ng galit nilisan kita sandali, ngunit habang panahon kong ipadarama sa iyo ang tapat kong pagmamahal.” Iyan ang sabi ng Panginoon na nagligtas sa iyo.
“Nang panahon ni Noe, ako ay sumumpang di na mauulit na ang mundong ito’y gunawin sa tubig. Gayon din sa ngayon, iiwasan ko nang sa iyo’y magalit at hindi na kita parurusahan uli. Maguguho ang mga bundok at ang mga burol, ngunit ang pag-ibig ko’y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking pangako.” Iyan ang sinasabi ng Diyos na Panginoon, na nagmamahal sa iyo.

Sinabi ng Panginoon, “O Jerusalem, nagdurusang lunsod na walang umaliw sa kapighatian, muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko’y mamahaling bato. Gagamiti’y rubi sa mga tore mo, batong maningning ang iyong pintuan, at sa mga pader ay mga hiyas na makinang. Ako ang magtuturo sa iyong mga anak. Sila’y magiging payapa at buhay ay uunlad. Patatatagin ka ng katarungan at katuwiran, magiging malayo sa mananakop at sa takot.”

Salmo: Awit 29

Tugon: Poong sa aki’y nagligtas, 
            ang dangal mo’y aking galak.

O Panginoon ko, sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang daigdig ng patay, 
hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.

Purihin ang Poon, siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal, 
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal yaong kanyang galit, 
at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.

Kaya’t ako’y dinggin, ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan, 
Mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan. 
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: