Daily Gospel - 26 Mayo 2021

Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. (Marcos10:43-44)
San Felipe Neri
Pagbasa: Sirac36:1-17; Salmo: Awit 79:8-13;
Mabuting Balita: Marcos 10:32-45

32 Sa paglakad nila paahon sa Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: 33 “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. 34 Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.”

35 Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” 36 At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?” 37 Sumagot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.”

38 Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibininyag sa akin?” 39 Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. 40 Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa  iba.”

41 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. 42 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 43 Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 44 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo.

45 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: