46 Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. 47 Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.” 48 Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!”
49 Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” 50 Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus.
51 Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” 52 At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.”
Agad siyang nakakita at sumunod siya kay Jesus sa daan.