Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. (Marcos 10:6-7)
Pagbasa: Santiago 5:9-12; Salmo: Awit 103:1-12;
Mabuting Balita: Marcos 10:1-121 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao na naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. 2 At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” 3 Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?” At sinabi nila: 4 “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.”
5 Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. 6 Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, 7 at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. 8 Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang 9 kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
10 Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. 11 At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya. 12 At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.”