“Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso.” (Marcos 7:6)
Pagbasa: Genesis 1:20–2:4; Salmo: Awit 8:4-9;
1 Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem.
2 Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. 3 Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay. 4 At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang di muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso.
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.”
6 At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. 7 Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.”
8 Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.”
9 At sinabi ni Jesus: “Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. 10 Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘patayin ang sinumang sumumpa sa kanyang ama o ina.’ 11 Ngunit ayon sa inyo, masasabi ninuman sa kanyang ama o ina, “Inilaan ko na para sa Templo ang maaasahan ninyo sa akin.” 12 At hindi na ninyo siya pinapayagang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”