“Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi.” (Juan 8:28)
Pagbasa: Bilang 21:4-9; Salmo: Awit 102:2-21;
Mabuting Balita: Juan 8:21-3021 Sinabi niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” 22 Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?”
23 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; taga-itaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako taga-mundong ito. 24 Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya.
25 At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? 26 Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya – ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.”
27 Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. 29 Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.”
30 Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa kanya.