Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
(Unang Pagbasa at Salmo)“Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” (Genesis 1:26)
Unang Pagbasa: Genesis 1:1.26-31
(T–Tagapagsalaysay, D – Diyos.)
T –Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, sinabi ng Diyos:
D– Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.
T –Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya,
D–Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.
T –At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan.
Salmo: Awit 103
Tugon: Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin!
Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa.
Ikaw, Panginoong Diyos ko, kay dakila mong talaga!
Ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na kay ganda.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo’t hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga’y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
Sa naroong kakahuya’y umaawit nang masaya,
mga ibo’y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang biyaya’t lumaganap sa daigdig.
Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka.
Nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa’t ang mga tao’y may pagkaing nakukuha.
Sa daigdig, Panginoon, kay rami ng iyong likha
pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
ang dami ng nilikha mong nakalaganap sa lupa.
Panginoo’y purihin mo, purihin mo, kaluluwa!
Purihin ang Panginoon, O purihin mo nga siya!