Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
(Ikapitong Pagbasa at Salmo)Ebanghelyo At Mga Pagbasa
Mahal Na Araw 2023
“Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis.” (Ezekiel 36:24-25)
Ikapitong Pagbasa: Ezekiel 36:16-17.18-28
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyusan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. Itinapon ko sila at ikinalat sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. Nguni’t sa mga lugar na kinatapunan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila’y mga mamamayan ng Panginoon, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.
Kaya sabihin mo sa Israel na ito ang ipinasasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi sa banal kong pangalan na inyong binigyang-daang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. Ipakikita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako ang Panginoon kung maipakita ko na sa kanila ang aking kabanalan. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyusan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.”
Salmo: Awit 50
Tugon: D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin!
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang espiritu mo ang papaghariin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat