Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
“Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” (Mateo 17:5)
Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Abram: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo.
Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami.
Ang sa iyo’y magpapala ay aking pagpapalain; ngunit kapag sinumpa ka, sila’y aking susumpain. Ang lahat ng mga bansa pihong ako’y hihimukin, na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpapalain din.”
Sumunod nga si Abram sa utos ng Panginoon.
Salmo: Awit 32
Tugon: Poon, pag-asa ka namin,
pagibig mo’y aming hiling!
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit mag-taggutom sila’y binubuhay.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa’yo nasasalig!
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 1:8-10
Pinakamamahal kong kapatid: Makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin upang tayo’y maging kanyang bayan.
Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa magsimula ang panahon. Ngunit nahayag lamang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.
Mabuting Balita: Mateo 17:1-9
Noong panahong iyon: Isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipagusap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.”
Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi: “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!”
Ang mga alagad ay natakot nang gayon na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.
At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Gospel Reflection
Hindi ako lumaki sa isang relihiyosong pamilya. Naging abala ang tatay sa pagtataguyod sa aming magkapatid. Si Nanay naman ay maagang nawala. Namatay siya isang linggo matapos niyang ipanganak ang aming bunsong kapatid na lumaki sa pamilya ng tiyahin ko.
Hindi ko nakagisnan ang pagsisimba tuwing linggo. Hindi ko alam ang mga pang-araw-araw na katolikong dasal noong musmos pa ako. Alam kong may Diyos pero wala akong alam tungkol sa Kanya. Isa Siyang estranghero para sa akin.
Salamat na nga lang sa aking unang katekista kaya nabuksan ang isipan ko sa kabutihan ng Diyos. Tanda ko pa ang mga unang religion class namin tungkol sa mga likha ng Diyos. Pinapangkat pa nga namin noon ang mga bagay bilang likha ng Diyos at likha ng tao.
Iyon ang unang patikim ng Diyos ng Kanyang kaluwalhatian. Nasundan iyon ng marami pa.
Grade three ako nang magkaroon ng misa sa grounds ng aming eskuwelahan. Nabanggit ng paring nagmisang may misa tuwing Linggo ng hapon sa kalapit na chapel ng aming eskuwelahan. Natutunan kong magsimba tuwing linggo mula noon.
Patapos na ako ng elementarya nang maging parokya ang Kapilya ni San Antonio de Padua sa Malabon.
Isang kaklase ko ang nagyaya sa aking sumali sa Columbian Squires. Dose anyos ako noon. Ang pinakabatang edad para sa nasabing organisasyon. Bilang squire, sinanay kaming maging mga kabataang lider.
Nang taon ding iyon ang naging unang pag-attend ko ng Catholic Life in the Spirit Seminar.
Taong 1993 nang binyagan ako sa Simbahang Katoliko. Noong sanggol kasi ako'y sa Aglipay ako bininyagan.
Naging volunteer catechist ako sa edad na labing-apat. Naging bahagi ako ng Parish Ministry for Children. Umarte sa Panuluyan, Senakulo at iba pang mga play sa simbahan.
Naging drummer ng aming charismatic community. May mga pagkakataong tumatayo rin ako bilang prayer leader o kaya nama'y sharer o tagapagbigay ng Gospel Reflection.
Sa mga pagkakataong katulad nito at marami pang iba, nararamdaman ko ang presensya ng Diyos. Ramdam ko ang pagkilos ng Espiritu Santo sa aking buhay. Ang mga pagkakataong katulad nito ay patikim sa akin ng Diyos ng Kanyang kaluwalhatian.
Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, saksi tayo sa pagbabagong-anyo ni Hesus. Ipinakita Niya sa kasama Niyang mga alagad kung sino Siya. Siya ang Anak ng Diyos.
Ipinatikim Niya sa Kanyang mga alagad kung gaano kasarap na makibahagi sa Kanyang kaluwalhatian. Kaya hindi natin masisisi si Pedro kung mabulalas niya, "Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias."
Kumbaga sa pelikula, ang transfiguration ay isang maiksing trailer ng isang napakagandang pelikula. At nasaksihan ni Pedro at mga kasama ang trailer ng magandang pelikulang may pamagat na "Buhay Na Walang Hanggan".
Nawili si Pedro sa Kanyang nararamdaman. Ayaw na Niyang magtungo sa Jerusalem kung saan alam Niyang malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay-- lalo na ang buhay ni Hesus.
Sa maraming mga pagkakataon, ipinatitikim sa atin ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Sa ating mga mumunting mga tagumpay bilang mga lingkod o bilang mga magulang o bilang mga anak, ramdam nating hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Ramdam nating kasama natin Siya.
Ang mga "patikim" sanang ito ang maging source natin ng lakas at katatagan sa mga panahon ng pagsubok at pag-uusig. Ang mga apostol man ay inusig ng kanilang mga kaaway at hinawakan nila ang pag-asa nila sa buhay at kaligtasang kaloob ng pag-ibig ni Kristo sa kanila.
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na nagsugo sa Iyong Bugtong na Anak upang pagkalooban kami ng buhay na walang hanggan, Ikaw na lubos na nalulugod sa Kanyang mapagkumbabang pagkamasunurin, ang lahat ng pagpupuri, pagsamba at pagluwalhati ay inaalay namin sa Iyo. Ikaw ang bukal ng aming lakas. Ang tunay na kahulugan ng aming buhay.
Itinataas po namin ang lahat ng aming mga pagkukulang sa Iyo. Lumuluhog po kami sa Iyong patawarin po Ninyo ang aming mga kasalanan kung paanong pinatatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
Turuan Mo po kaming maging mapagkumbaba. Turuan Mo po kaming umibig at makipagkapwa.
Opo, Panginoon, turuan Mo po kaming palagiang magpasalamat at magpuri sa Iyo sa panahon man ng kaligayahan at tagumpay o sa panahon ng pagluluksa at kabiguan. Patuloy po naming tinatanggap ang Iyong kalooban.
Ang lahat ng ito sa matamis na Pangalan ng Iyong Anak na si Hesus na lubos Mong kinalugdan. Inutusan Mo kaming sundin at tularan Siya ayon na rin sa Iyong kalooban. Amen.

