Kaganapan Ng Pag-ibig


Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
13 Marso 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 24 Pebrero 2013.)


Ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay patikim ng kaluwalhatian ng buhay matapos ang kamatayan. Isa itong maiksing panahon ng magkahalong excitement, takot at kaligayahan para sa tatlong apostol na kasama ni Hesus bago bumulaga sa kanila ang Kanyang pagkaaresto sa Gethsemane na nagbunga ng kamatayan Niya sa krus.

Nakita Siyang kausap ng dalawang mahahalagang tao sa kasaysayan ng Israel. Ang una'y si Moises na tumanggap ng mga Utos ng Diyos sa Bundok ng Sinai at ang sumulat ng unang limang libro ng Lumang Tipan-- ang Pentateuch. Ang ikalawa'y si Elias, isang propetang hinulaang mauuna sa Mesias upang ihanda ang daraanan ng Panginoon.

Matapos ang panukala ni Pedro na gagawa sila ng mga kasamang apostol ng tatlong kubol-- isa para kay Hesus, isa para kay Moses at isa para kay Elias, narinig nila ang isang tinig mula sa ulap na nagsabing, "Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. Pakinggan ninyo siya!" (Lucas 9:35)

Bago sila umakyat sa bundok, mababasa sa Ebanghelyo ni Lucas ang pahayag ni Pedro na si Hesus "ang Kristo na sinugo ng Diyos" (Lucas 9:18-21). Ang pagbabagong-anyong ito ni Hesus at ang narinig nilang tinig ay mga pagpapatunay sa pahayag na ito ni Pedro. Siya ang Mesias-- ang Anak ng Diyos-- na hinihintay ng mga Hudyo.

Subalit bakit kailangang masaksihan ng tatlong apostol ang transfiguration? Obvious ang sagot dito, upang sila'y maniwalang Siya ang sinugo ng Diyos na Siyang sasagip sa bayan ng Israel. 

Sa ibang salita, ang pangyayaring ito, kasama ang lahat ng sinabi at ginawa Niya, ay hindi para kay Hesus kundi para sa Kanyang mga apostol at para sa mga taong maniniwala sa kanilang ipahahayag matapos nilang matanggap ang Espiritu Santo.

"At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko sa iyo ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan. 
Hindi lamang sila ang idinadalangin ko; idinadalangin ko pati ang mga mananalig sa akin dahil sa pahayag ng aking mga tagasunod." 
(Juan 17:19-20)

Isang pag-ibig na lumilimot sa sarili ang ipinagkakaloob sa atin ni Hesus. Ang naranasan ng tatlong apostol sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo ay isang patikim sa kaganapan ng pag-ibig Niya. Ang buhay ni Hesus, ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ay isang istorya ng pag-ibig. Pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhang mas piniling mamalagi sa kadiliman kaysa yakapin ang liwanag ng Kanyang pag-ibig (Juan 3:19).

Manatili tayo sa pag-ibig ni Hesus. Suklian natin Siya ng pag-ibig. Siya ang Salitang nagkatawang-tao na naunang umibig sa atin kahit pa tayo'y makasalanan. Kahit nasa sanlibutan pa tayo, namnamin natin ang pagbabagong-anyo ni Hesus sa pamamagitan ng pagdama ng Kanyang pag-ibig na makikita't mararamdaman sa ating pang-araw-araw na buhay, lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.

Paigtingin natin ang ating panamdam sa Kanyang pag-ibig habang inaalala natin ang Kanyang pasyon. Kasama ang ating pamilya, dumalo tayo sa Sakripisyo ng Misa at sa mga gawaing nakalinya para sa Kuwaresma. Palalimin natin ang ating personal na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng ating buhay-panalangin, pagsasakripisyo at pag-aayuno.

Hayaan nating ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay mangahulugan din ng pagbabagong-anyo ng ating mga buhay. Sa Kanyang pag-ibig at sa Kanyang pangalan, manalig tayong hindi man madali ang lahat, ang lahat ay posible. Ang lahat ay posible!

Panalangin:

O Aming Amang Diyos, Ikaw na umangkin kay Hesus sa Kanyang pagbabagong-anyo bilang Anak Mong pinili, narito kaming Iyong mga ampong anak na lumalapit sa Iyo sa pamamagitan Niya. Ikaw ay aming simasamba, dinadakila at pinupuri dahil sa Iyong walang hanggang kabutihan.

Pinaranas mo ang kaluwalhatian at kaganapan ng pag-ibig ni Hesus sa tatlong apostol na sina Pedro, Juan at Santiago. Katulad nila'y inaasam din naming maramdaman at manatili sa kaluwalhatian at pag-ibig Niya. Ipadala Mo po ang Iyong Banal na Espiritu upang ipadama sa 'ming kasama Ka namin sa gitna ng mga pagsubok at tukso.

Batid po naming ang pagsunod sa mga yapak ni Hesus ay hindi madali. Gabayan po sana kami ng Espiritu Santo sa 'ming pagbubuhat ng aming mga krus, puno ng pag-asa at pag-ibig sa Iyo at sa aming kapwa. Gawin Mo pong makahulugan ang Kuwaresmang ito para sa amin at sa aming pamilya.

Ipinapahayag naming Ikaw ang nag-iisang Diyos-- Ikaw na pumili at nagsugo kay Hesus. Kaisa Niya at ng Espiritu Santo, hayaan Mong manatili kami sa Kanyang kaluwalhatian at pag-ibig ngayong Kuwaresma at sa natitirang mga araw ng aming buhay. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: