“At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim...” (Mateo 6:6)
|
|
|
|
|
|
|
26 Pebrero 2017
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas; saka na ninyo harapin kapag ito’y dumating.” (Mateo 6:34)
Pagbasa: Sirac 17:20-24; Salmo: Awit 32:1-7;
Mabuting Balita: Marcos 10:17-27
17 At nang palakad na siya, isang tao ang patakbong sumalubong sa kanya at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng buhay na walang hanggan?”
18 Sumagot sa kanya si Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri sa kapwa, huwag mandaya, igalang ang iyong ama at ina.” 20 Sinabi sa kanya ng tao: “Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?”
21 Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya, at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”
22 Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya.
23 Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang makapasok ang mga may kayamanan sa kaharian ng Diyos.” 24 Takang-taka nga ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos! 25 Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos.”
26 Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” 27 Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”
Pagbasa: Sirac 35:1-12; Salmo: Awit 50:5-23;
Mabuting Balita: Marcos 10:28-31
28 Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” 29 Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo 30 na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.
31 May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
Miyerkules ng Abo |
Unang Pagbasa: Joel 2:12-18; Salmo: Awit 51:3-17; Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:20–6:2; Mabuting Balita: Mateo 6:1-6. 16-18
1 Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. 2 Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
3 Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; 4 at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.
5 Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. 6 At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
16 Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. 17 Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili 18 sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagbasa: Deuteronomio 30:15-20; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 9:22-25
22 Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
23 Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. 24 Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. 25 Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”
Pagbasa: Isaias 58:1-9; Salmo: Awit 51:3-19;
Mabuting Balita: Mateo 9:14-15
14 Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
15 Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Pagbasa: Isaias 58:9-14; Salmo: Awit 86:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 5:27-32
27 Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya.
29 Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. 30 Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 31 Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
|
|
|
|
|
|
|