25-Linggo 26-Lunes 27-Martes 28-Miyerkules 29-Huwebes 30-Biyernes 31-Sabado
25 Mayo 2014
Ikaanim Na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Unang Pagbasa: Gawa 8:5-8. 14-17; Salmo: Awit 66:1-3. 4-5. 6-7. 16-20; Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 3:15-18; Mabuting Balita: Juan 14:15-21)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.
"Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya." (Juan 14:21)
_________________________________________
26 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 16:11-15; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Juan 15:26-16:4
26 Ngunit sa pagdating ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng katotohanan, na susuguin ko mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa'y kasama ko na kayo.
1 Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. 2 Ititiwalag nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. 3 At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. 4 Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag ito'y nangyari, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo. Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako.
27 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 16:22-34; Salmo: Awit 138:1-8;
Mabuting Balita: Juan 16:5-11
5 Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. 6 Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. 7 Subalit dapat ninyong malaman ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Tagapagtanggol kung hindi ako aalis. Ngunit kung wala na ako, isusugo ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya ay kanyang patutunayan sa mga taga-sanlibutan na mali ang pagkakilala nila tungkol sa kasalanan, tungkol sa pagiging matuwid, at tungkol sa paghatol ng Diyos. 9 Mali sila tungkol sa kasalanan sapagkat hindi sila nananalig sa akin. 10 Mali sila tungkol sa pagiging matuwid sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng mundong ito.
28 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 17:15-18:1; Salmo: Awit 148:1-14;
Mabuting Balita: Juan 16:12-15
12 Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. 13 Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.
29 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 18:1-8; Salmo: Awit 98:1-4;
Mabuting Balita: Juan 16:16-20
16 Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.
17 Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, Sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 18 Ano kaya ang kahulugan ng, kaunting panahon na lamang? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!
19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli. 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.
30 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 18:9-18; Salmo: Awit 47:2-7;
Mabuting Balita: Juan 16:20-23
21 Kapag naghihirap na ang isang babaing manganganak, siya'y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, hindi na niya naaalala ang hirap; nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.
22 Gayundin naman kayo, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli tayong magkikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo.
31 Mayo 2014
Pagbasa: Sofonias 3:14-18; Salmo: Isaias 12:2-6;
Mabuting Balita: Lucas 1:39-56
39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!"
46 At sinabi ni Maria,
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;
49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Siya'y banal!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.
55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"
56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.
25-Linggo 26-Lunes 27-Martes 28-Miyerkules 29-Huwebes 30-Biyernes 31-Sabado