Darang Sa Apoy


Ikalimang Linggo Ng Kuwaresma
21 Marso 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 22 Marso 2015.)


Gabi ng Marso 17, 2015. Isang malaking sunog ang naganap malapit sa bahay namin. Isa ang tirahan namin sa malapit nang tamaan ng sunog. Habang pinagmamasdan ko ang maitim na usok na nanggagaling sa lugar namin, naglalaro sa isip ko ang mga salita ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong linggo:

"Ngayon, ako’y nababagabag. Sasabihin ko ba, ‘Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito – upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan."

Paulit-ulit sa isip ko, "Lord, tama na po," na ang tinutukoy ko'y ang pagkalat ng apoy. Na susundan ko ng "pero maganap ang kalooban Mo."

Madaling araw na nang matapos ang sunog. Maraming bahay ang nasunog. Hindi nadamay ang bahay namin. Sabi ng mga kakilala ko, suwerte pa rin daw kami. Sabi pa ng ilan, "love pa rin kayo ni Lord."

Hindi nasunog ang bahay namin, ibig bang sabihin nito mas mahal kami ng Diyos? Ibig bang sabihin nito, higit kaming pinagpala?

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nailigtas ang bahay namin sa sunog. Pero hindi totoong mas mahal kami ng Diyos o higit kaming pinagpala. Dahil lahat tayo'y mahal ng Diyos. Pinagpapala Niya tayong lahat. Pinauulan at pinasisikat Niya ang araw para sa banal at makasalanan. 

Isang malaking pagsubok ang hinarap ng mga nasunugan. Katunayan, kabilang dito ang dalawa sa mga kasamahan namin sa aming charismatic community. Sa pamamagitan ng pagsubok na iyon, nagiging matibay ang kanilang pananampalataya. Lalo nilang inilalagay ang pag-asa nila sa Diyos.

At kami mang malapit sa mga nasunugan ay sinusubok. Sinusubok kaming tumulong sa mga naapektuhan ng trahedya. Sa part namin, partikular sa mga kapatid namin sa community. Sa pamamagitan nito, tinutupad namin ang mga Salita ni Hesus, "magmahalan kayo katulad ng pag-ibig ko sa Inyo."

Tandaan natin, pagsunod kay Hesus ang pagharap natin sa pagsubok at problema ng may pananalig sa Kanya. Sinabi Niya, "pasanin ninyo ang inyong krus at sumunod sa Akin." Ito ang dahilan kung bakit tayo narito sa mundo. Tularan natin si Hesus sa Kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa ganitong paraan pinararangalan natin ang Ama sa pamamagitan ng pangalan Niya.

Daraan lamang tayo sa buhay na ito. Hindi natin matatakasan ang kamatayan. At kahit na ang problema. Kamusta na ang ating pananampalataya? Kamusta ang personal nating relasyon sa Diyos? 

Hayaan nating pagharian ng Diyos ang ating buhay. Harapin natin ang bawat pagsubok na dumarating ng may pagtitiwala sa Kanya. Bilang mga lingkod Niya, tayo'y narito sa mundo upang makihati sa paghihirap ni Hesus sa kalbaryo. Lalo na sa panahong ito ng Kuwaresma. 

Katulad tayo ng ginto, hindi magiging lantay hangga't hindi idinadarang sa apoy.

Panalangin:

Aming Ama, papuri at pagsamba ang handog namin sa Inyo sa lahat ng panahon ng aming buhay. Sa panahon man ng pagsubok o ng biyaya. Sa kalungkutan at kaligayahan. Sa kagalingan o pagkakasakit. Sa hirap man o ginhawa. 

Gamitin Mo po kaming instrumento ng Inyong kaligtasan at pag-ibig.

Idinadalangin po namin ang lahat ng taong dumaraan ngayon sa matinding mga pagsubok. Sumakanila po sana ang Banal Na Espiritu upang makakuha sila ng panibagong lakas sa Inyo. Patatagin po Ninyo ang kanilang mga puso at isip upang maharap nila ang kanilang mga problema.

Ama, nabubuhay kami upang parangalan Ka sa pamamagitan ng aming mga gawa. Linisin Mo po ang aming puso at isip. Turuan Mo po kaming maging katulad ni Hesus. Sundin po sana naming lagi ang Iyong kalooban.

Sa pamamagitan ni Hesus, kasama Niya at sa Kanya, ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo, Ama, kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: