Sabado de Gloria - 31 Marso 2018 3/8

Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
(Ikatlong Pagbasa at Salmo)

Ebanghelyo At Mga Pagbasa
Mahal Na Araw 2018


“Ang Panginoo’y atin ngayong awitan sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay...” (Exodo 15:1)
Ikatlong Pagbasa: Exo 14:15–15:1

(Mga Tauhan: TL – Lalaking Tagapagsalaysay, TB – Babaeng Tagapagsalaysay, D – Diyos)

TL –Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Moises, 

D–Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipakikita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako ang Panginoon. 

TL –Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpatihuli sa kanila, gayon din ang haliging ulap. Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio at lumatag ang kadiliman. 

TB –Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay di makalapit sa mga Israelita. Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ng Panginoon ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. Ang mga Israelita’y bumagtas sa dagat na ang nilakara’y tuyong lupa, sa pagitan ng animo’y pader na tubig. 

TL –Hinabol sila ng mga Egipcio, ng mga kawal, karwahe at kabayuhan ng Faraon. Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio’y ginulo ng Panginoon mula sa haliging apoy at ulap. Nalubog ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makatugis nang matulin. 

TB –Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat ang Panginoon na ang kalaban natin.” Sinabi ng Panginoon kay Moises, 

D– Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ng kanilang karwahe. 

TL –Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ng Panginoon ang dating ng tubig kaya’t sila’y nalunod na lahat. Nang manauli ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ng kanyang mga kawal at walang natira isa man. Ngunit ang mga Israelita’y nakatawid sa dagat, na tuyo ang dinaanan, sa pagitan ng animo’y pader na tubig. 

TB –Nang araw na yaon ang mga Israelita’y iniligtas ng Panginoon sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa baybaydagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ng Panginoon laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa alagad niyang si Moises. Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para sa Panginoon: “Ang Panginoo’y atin ngayong awitan sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay; ang mga kabayo’t kawal ng kaaway sa pusod ng dagat, lahat natabunan.” 

Salmo: Exodo 15 

Tugon: Poon ay ating awitan 
             sa kinamtan n’yang tagumpay!

Ang Panginoo’y atin ngayong awitan 
sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay; 
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway sa pusod ng dagat, 
lahat natabunan. Ako’y pinalakas niya’t pinatatag, s
iya ang sa aki’y nagkupkop, nag-ingat, 
Diyos ng magulang ko, aking manliligtas. 

Siya’y mandirigma na walang kapantay, 
Panginoo’y kanyang pangalan. 
Nang ang mga kawal ng Faraon 
sa Dagat ng mga Tambo ay mangagsilusong, 
ang lahat ng ito ay kanyang nilunod 
pati na sasakya’y kanyang pinalubog. 

Sila’y natabunan ng alon ng dagat, 
tulad nila’y batong lumubog kaagad. 
Ang mga bisig mo ay walang katulad, 
wala ngang katulad, walang kasinlakas, 
sa isang hampas mo, kaaway nangalat, 
nangadurog mandin sa ‘yong mga palad. 

Sila’y dadalhin mo sa pinili mong bundok. 
Sa lugar na itinangi mo, para maging iyong lubos 
at sa santwaryong natayo ayon sa iyong loob. 
Ikaw, Poon, maghahari magpakailanman.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: