(Ikalimang Pagbasa at Salmo)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa
Mahal Na Araw 2018
“Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” (Isaias 55:8-9)
Sinabi ng Panginoon, “Narito ang tubig, mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay kumuha rito at bumili ng pagkain. Halikayo at bumili ng alak at gatas, bumili kayo, ngunit walang bayad. Bakit ginugugol ang salapi sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera sa mga bagay na walang halaga? Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain. Pumarito kayo, kayo ay lumapit at ako’y pakinggan, makinig sa akin nang kayo’y mabuhay; ako’y may gagawing walang hanggang tipan, at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang ipinangako ko kay David. Ginawa ko siyang hari at puno ng mga bansa at sa pamamagitan niya’y ipinamalas ang aking kapangyarihan. Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala, mga bansang di ka kilala’y sa iyo pupunta, dahilan sa Panginoon, Banal ng Israel, ang Diyos na nagpala’t sa iyo’y dumakila.”
Hanapin ang Panginoon samantalang siya’y iyong makikita, siya ay tawagin habang malapit pa. Ang mga gawain ng taong masama’y dapat nang talikdan, at ang mga liko’y dapat magbago na ng maling isipan; sila’y manumbalik, lumapit sa Panginoon upang kahabagan, at mula sa Diyos, matatamo nila ang kapatawaran.
Ang wika ng Panginoon: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala. Ang ulan at niyebe paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik, aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig, kaya may pagkai’t butil na panghasik. Ganyan din ang aking mga salita, magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Salmo: Isaias 12
Tugon: May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos!
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig sa batis ng kaligtasan.
Magpasalamat kayo sa Poon, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang banal ng Israel.