Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: 2 Mga Hari 5:14-17
14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.
15 Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay bumalik kay Eliseo. Sinabi niya, "Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong aking nakayanan."
16 Ngunit sinabi ni Eliseo, "Saksi si Yahweh, ang buhay na Diyos na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng kahit ano." Pinilit siya ni Naaman ngunit talagang ayaw niyang tumanggap.
17 Dahil dito, sinabi ni Naaman, "Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po bang mag-uwi ako ng lupa mula rito? Kakargahan ko ng lupa ang aking dalawang mola. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng handog na susunugin sa sinumang diyos liban kay Yahweh. 18 At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 98:1-4
1 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 2:8-13
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang Magandang Balitang ipinapangaral ko, 9 at siya ring dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maibibilanggo ang salita ng Diyos. 10 Pinapagtiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang buhay na mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:
"Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag siya'y ating ikinahiya,
ikakahiya rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
siya'y nananatiling tapat pa rin
sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 17:11-19
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"
14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."
Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.
17 "Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita