05 - 11 Enero 2014

05 06 07 08 09 10 11

_________________________________________


"'At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.'" (Mateo 2:6)

_________________________________________

06 Enero 2014
Pagbasa: 1 Juan 3:22-4:6; Awit 2:7-12; 
Mabuting Balita: Mateo 4:12-25

12 Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

15 "Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!

16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag."

17 Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit."

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.

07 Enero 2014
Pagbasa: 1 Juan 4:7-10; Awit 72:1-8; 
Mabuting Balita: Marcos 6:34-44

34 Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, "Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain."

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, "Bigyan ninyo sila ng makakain."

Sumagot ang mga alagad, "Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?" 

38 "Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo," utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, "Lima po, at dalawang isda."

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na pangkat-pangkat na paupuin ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain ng tinapay.

08 Enero 2014
Pagbasa: 1 Juan 4:11-18; Awit 72:1-13; 
Mabuting Balita: Marcos 6:45-52

45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!" 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

09 Enero 2014
Pagbasa: 1 Juan 4:9-5:4; Awit 72:1-17; 
Mabuting Balita: Lucas 4:14-22

14 Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. 15 Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat.

16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, 17 at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 "Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,

19 at upang ipahayag na darating na ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon."

20 Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, "Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon."

10 Enero 2014
Pagbasa: 1 Juan 5:5-13; Awit 147:12-20; 
Mabuting Balita: Lucas 5:12-16

12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, "Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis."

13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, "Nais kong gumaling ka at luminis!" At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan siya ni Jesus, "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na."

15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.

11 Enero 2014
Pagbasa: 1 Juan 5:14-21; Awit 149:1-9; 
Mabuting Balita: Juan 3:22-30

22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili sila roon nang kaunting panahon, at nagbabautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi pa noon nabibilanggo si Juan.

25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!

27 Sumagot si Juan, Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Kinakailangang siya ang maging dakila at ako nama'y maging mababa.

05 06 07 08 09 10 11

Mga kasulyap-sulyap ngayon: