Tumalon sa:
Salmo
Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Isaias 60:1-6
1 Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw.
Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2 Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig;
ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh,
at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
3 Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran,
ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo;
manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki;
ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
5 Magagalak ka kapag nakita sila;
sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama;
sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo,
at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
6 Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa;
buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso,
at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
Tumalon sa:
Salmo: Awit 72:1-13
1 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
8 Nawa kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya,
maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia,
may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Tumalon sa:
Ikalawang Pagbasa: Efeso 3:2-6
2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. 3 Tulad ng naisulat ko na, ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang hiwaga. 4 At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa hiwaga tungkol kay Cristo. 5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay may bahagi rin sa mga pagpapala ng Diyos tulad ng mga Judio; kabilang din sila sa iisang katawan at may bahagi sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus.
Tumalon sa:
Unang Pagbasa
Salmo
Ikalawang Pagbasa
1 Panahon ng paghahari ni Herodes a sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. Nang siya'y isilang, may mga matatalinong taong b mula pa sa silangan ang dumating sa Jerusalem. 2 Nagtanungtanong sila, "Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin."
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. 4 Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, "Saan ba isisilang ang Cristo?" 5 Tumugon sila, "Sa Bethlehem po, sapagkat ganito po ang isinulat ng propeta:
6 'At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.'"
7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga matatalinong tao at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. 8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, "Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya." 9-10 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy na sa paghahanap; sila'y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.
12 Nang sila'y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.
Tumalon sa:
Unang Pagbasa
Salmo
Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita