09 - 15 Marso 2014

09-Linggo 10-Lunes 11-Martes 12-Miyerkules 13-Huwebes 14-Biyernes 15-Sabado


09 Marso 2014
Unang Linggo Ng Kuwaresma
( Unang Pagbasa: Genesis 2:7-9. 3:1-7; Salmo: Awit 51:3-6. 12-13. 14. 17Ikalawang Pagbasa: Roma 5:12-19Mabuting Balita: Mateo 4:1-11 )

Kaya't sumagot si Jesus, "Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,
'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.'" (Mateo 4:10)

_________________________________________

10 Marso 2014
Pagbasa: Levitico 19:1-8; Salmo: Awit 19:8-15
Mabuting Balita: Mateo 25:31-46

31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'

37 "Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?'

40 "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'

41 "Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.'
44 "At sasagot din sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?'

45 "At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."

11 Marso 2014
Pagbasa: Isaias 55:10-11; Salmo: Awit 34:4-19
Mabuting Balita: Mateo 6:7-15

7 "Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,

'Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.

10 Nawa'y maghari ka sa amin.
Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw;

12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.

13 At huwag mo kaming hayaang matukso,
kundi iligtas mo kami sa Masama!'

14 "Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, c hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan."

12 Marso 2014
Pagbasa: Jonas 3:1-10; Salmo: Awit 51:3-19
Mabuting Balita: Lucas 11:29-32

29 Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, "Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon."

13 Marso 2014
Pagbasa: Ester C 4:12-25; Salmo: Awit 138:1-8
Mabuting Balita: Mateo 7:7-12

7 "Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!

12 "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta."

14 Marso 2014
Pagbasa: Ezekiel 18:21-28; Salmo: Awit 130:1-8
Mabuting Balita: Mateo 5:20-26

20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit."

21 "Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.' 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, 'Ulol ka!' ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.

25 "Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang piso na dapat mong bayaran."

15 Marso 2014
Pagbasa: Deutoronomio 26:16-19; Salmo: Awit 119:1-8
Mabuting Balita: Mateo 5:43-48

43 "Narinig ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.' 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 "Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit."

09-Linggo 10-Lunes 11-Martes 12-Miyerkules 13-Huwebes 14-Biyernes 15-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: