Unang Linggo ng Kuwaresma - 09 Marso 2014



Unang Pagbasa: Genesis 2:7-9. 3:1-7 

7 Pagkatapos, ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.

8 Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. 9 Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

1 Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, "Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?"

2 Sumagot ang babae, "Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami."

4 Ngunit sinabi ng ahas, "Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay!" 5 "Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama."

6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. 7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.

Salmo: Awit 51:3-6. 12-13. 14. 17

3 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang- loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!

4 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!

5 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.

6 Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.

12 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.

13 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.

14 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.

17 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Ikalawang Pagbasa: Roma 5:12-19

12 Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi ituturing na kasalanan. 14 Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos.

Si Adan ay anyo ng isang darating. 15 Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang libreng kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang libreng kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. 16 Ang kaloob na ito ay higit na di hamak kaysa sa ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawa ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawa ang maraming pagsuway. 17 Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay.

18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. 19 Sapagkat kung ang lahat ay naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, ang lahat ay mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isa ring tao.

Mabuting Balita: Mateo 4:1-11

1 Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito." 4 Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat,

'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.' "

5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi nito sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,

'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.' "

7 Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.' "

8 Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin."

10 Kaya't sumagot si Jesus, "Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,

'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.'"
11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: