23 Marso 2014
Ikatlong Linggo Ng KuwaresmaI-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Unang Pagbasa: Exodo 17:3-7; Salmo: Awit 95:1-2. 6-7. 8-9; Ikalawang Pagbasa: Roma 5:1-2. 5-8; Mabuting Balita: Juan 4:5-15. 19-26. 40-42)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.
"Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." (Juan 4:13-14)
24 Marso 2014
I-click po dito para sa Gospel Reflection.
"Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." (Juan 4:13-14)
_________________________________________
24 Marso 2014
Pagbasa: 2 Mga Hari 5:1-15; Salmo: Awit 42:2-43:4
24 Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa dinami- dami ng mga may ketong sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria."
28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
25 Marso 2014
Unang Pagbasa: Isaias 7:10-14; Salmo: Awit 40:7-11; Ikalawang Pagbasa: Hebreo 10:4-10
26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"
29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."
34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."
38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.
26 Marso 2014
Pagbasa: Deuteronomio 4:1-9; Salmo: Awit 147:12-20
17 "Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit.
27 Marso 2014
Pagbasa: Jeremias 7:23-28; Salmo: Awit 95:1-9
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, "Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo."
16 May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. 17 At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, "Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 "Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
23 "Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat."
28 Marso 2014
Pagbasa: Hosea 14:2-10; Salmo: Awit 81:6-17
28 Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, "Alin po ba ang pinakamahalagang utos?"
29 Sumagot si Jesus, "Ito ang pinakamahalagang utos: 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.' 31 Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito."
32 Wika ng tagapagturo ng Kautusan, "Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay."
34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, "Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos." At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.
29 Marso 2014
Pagbasa: Hosea 6:1-6; Salmo: Awit 51:3-21
9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."
23-Linggo 24-Lunes 25-Martes 26-Miyerkules 27-Huwebes 28-Biyernes 29-Sabado