Unang Pagbasa: Genesis 12:1-4
1 Sinabi ni Yahweh kay Abram, "Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. 2 Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.
3 Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain."
4 Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot.
Salmo: Awit 33:4-5. 18-19. 20-21
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
tulong na malaki at sanggalang siya.
22 Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 1:8-10
8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos 9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
Mabuting Balita: Mateo 17:1-9
1 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. 2 Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. 3 Nakita na lamang ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, "Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias."
5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!" 6 Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. 7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. "Tumayo kayo, huwag kayong matakot!" sabi niya. 8 Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita.
9 Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao."