06 - 12 Abril 2014

06-Linggo 07-Lunes 08-Martes 09-Miyerkules 10-Huwebes 11-Biyernes 12-Sabado


06 Abril 2014
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 
(Unang Pagbasa: Ezekiel 37:12-14; Salmo: Awit 130:1-8; Ikalawang Pagbasa: Roma 8:8-11; Mabuting Balita: Juan 11:3-7. 17. 20-27. 33-45)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.

"Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman." (Juan 11:25-26)

_________________________________________

07 Abril 2014

Pagbasa: Daniel 13:41-62; Salmo: Awit 23:1-6;
Mabuting Balita: Juan 8:1-11

1 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya't umupo siya at nagsimula siyang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?  6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.

Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.

7 Patuloy sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya. 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.

9 Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?

11 Wala po, Ginoo, sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.

08 Abril 2014
Pagbasa: Bilang 21:4-9; Salmo: Awit 102:2-3. 16-21;
Mabuting Balita: Juan 8:21-30

21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad ang inyong mga kasalanan.

22 Nag-usap-usap ang mga Judio, Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko?

23 Kaya't sinabi ni Jesus, Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi, 24 kaya sinabi ko sa inyong mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang Ako'y Ako Nga, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.

25 Sino ka nga bang talaga? tanong nila.

Sumagot si Jesus, Matagal ko nang sinabi sa inyo kung sino ako. 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo ang sinasabi ng nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan. 

27 Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 Kaya't sinabi ni Jesus, Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong Ako'y Ako Nga. Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, 29 at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugudlugod sa kanya.

30 Maraming nakarinig nito ang sumampalataya sa kanya.

09 Abril 2014
Pagbasa: Daniel 3:14-20. 91-92. 95; Salmo: Daniel 3:52-56;
Mabuting Balita: Juan 8:31-42

31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; 32 makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

33 Sumagot sila, Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?

34 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: ang namumuhay sa kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kayo'y tunay na lalaya kapag pinalaya kayo ng Anak. 37 Nalalaman kong mula kayo kay Abraham, ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking mga aral. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo. 

39 Sumagot sila, Si Abraham ang aming ama.

Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, tinularan sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.

Sumagot sila, Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.

42 Sinabi ni Jesus, Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako.

10 Abril 2014

Pagbasa: Genesis 17:3-9; Salmo: Awit 105:4-9;
Mabuting Balita: Juan 8:51-59

51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.

52 Sinabi ng mga Judio, Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?

54 Sumagot si Jesus, Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at sinusunod ko ang kanyang sinasabi. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.

57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?

58 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, Ako ay Ako Na.

59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.

11 Abril 2014
Pagbasa: Jeremias 20:10-13; Salmo: Awit 18:2-7;
Mabuting Balita: Juan 10:31-42

31 Ang mga pinuno ng mga Judio'y muling dumampot ng bato upang batuhin siya. 32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, Marami akong mabubuting gawang ipinakita sa inyo mula sa Ama. Alin ba sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?

33 Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama't tao ka lamang. 

34 Tumugon si Jesus, Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, Sinabi ko, mga diyos kayo? 35 Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa kanya.

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit siya'y nakaalis.

40 Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Habang naroroon siya'y 41 maraming lumalapit sa kanya. Sinasabi nila, Si Juan ay walang ginawang himala ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

12 Abril 2014

Pagbasa: Ezekiel 37:21-28; Salmo: Jeremias 31:10-13;
Mabuting Balita: Juan 11:45-57

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin. Kanilang sinabi, Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang Templo at pahihirapan ang ating bansa.

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang pinakapunong pari noon, ay nagsabing, Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa? 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang pinakapunong pari nang taon na iyon, ipinahayag niyang dapat mamatay si Jesus alang-alang sa kanilang bansa 52 upang tipunin ang mga nakakalat na mga anak ng Diyos. 53 Mula noon, pinag-isipan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglingkod sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.

55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinahanap nila si Jesus sa Templo, at sila'y nagtatanungan, Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista? 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.

06-Linggo 07-Lunes 08-Martes 09-Miyerkules 10-Huwebes 11-Biyernes 12-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: