Unang Pagbasa: Ezekiel 37:12-14
12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin."
Salmo: Awit 130:1-8
1 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:8-11
8 At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil nananahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buhay sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Mabuting Balita: Juan 11:3-7. 17. 20-27. 33-45
3 Nagpasabi kay Jesus ang mga kapatid ni Lazaro, Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.
5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. 6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, Magbalik tayo sa Judea.
17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
20 Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta, Panginoon, kung kayo po ay narito, buhay pa sana ang kapatid ko. 22 Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.
23 Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sabi ni Jesus.
24 Sumagot si Marta, Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.
25 Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?
27 Sumagot siya, Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.
33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 Saan ninyo siya inilibing? tanong ni Jesus.
Sumagot sila, Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.
35 Tumangis si Jesus, 36 kaya't sinabi ng mga Judio, Talagang mahal na mahal niya si Lazaro! 37 Sinabi naman ng ilan, Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?
38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 Alisin ninyo ang bato, utos ni Jesus.
Ngunit sumagot si Marta, Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.
40 Sinabi ni Jesus, Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos? 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, Lazaro, lumabas ka! 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, Kalagan ninyo siya at nang makalaya.
45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya.