Unang Pagbasa: Isaias 52:13-53:12
13 Sinabi ni Yahweh, "Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain;
mababantog siya at dadakilain.
14 Marami ang nagulat nang siya'y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya,
halos hindi makilala kung siya ay tao.
15 Ngayo'y marami rin ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari kapag siya'y nakita ay matitigilan.
Makikita nila ang hindi nabalita kahit na kailan,
at mauunawaan ang hindi pa narinig ninuman!"
1 Sumagot ang mga tao,
"Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?
2 Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod,
parang ugat na natanim sa tuyong lupa.
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan.
3 Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng hapdi at hirap.
Wala man lang pumansin sa kanya.
Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan.
4 "Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling niya ang ating mga karamdaman.
Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya.
5 Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
6 Tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya
ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.
7 "Siya ay binugbog at pinahirapan,
ngunit hindi kumibo kahit isang salita;
tulad ay tupang nakatakdang patayin,
parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan,
at hindi umiimik kahit kaunti man.
8 Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay,
wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
9 Siya'y inilibing na kasama ng masasama at mayayaman,
kahit na siya'y walang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan."
10 Sinabi ni Yahweh,
"Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala.
11 Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya;
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami,
at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.
12 Dahil dito siya'y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila at makapangyarihan;
sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
at nakibahagi sa parusa ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan at idinalanging sila'y patawarin."
Salmo: Awit 31:2. 6. 12-13. 15-16. 17. 25
2 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
6 Sa iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
12 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
13 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
15 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
16 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
17 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
25 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 4:14-16; 5:7-9
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
7 Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya'y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban.
Mabuting Balita: Juan 18:1-19:42
1 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Tumawid sila sa batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. 2 Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Pumunta doon si Judas, kasama ang ilang pinuno ng mga bantay sa Templo at isang grupo ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, ilawan at sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, Sino ang hinahanap ninyo?
5 Si Jesus na taga-Nazaret, sagot nila.
At sinabi niya, Ako si Jesus.
Kaharap nila noon si Judas na nagtaksil sa kanya. 6 Nang sabihin niyang, Ako si Jesus, napaurong sila at natumba.
7 Muli siyang nagtanong, Sino nga ba ang hinahanap ninyo?
Si Jesus na taga-Nazaret, sagot nila.
8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito. 9 Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.
10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang kanang tainga ni Malco na isa sa mga alipin ng pinakapunong pari ng mga Judio. 11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Dapat kong danasin ang paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama. 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay sa Templo at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan. 13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.
15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng dalaga, Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?
Hindi, sagot ni Pedro.
18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro at nagpainit din.
19 Tinanong si Jesus ng pinakapunong pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang mga itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.
22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga pinuno ng mga bantay na naroroon. Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong pari? tanong niya.
23 Sumagot si Jesus, Kung may nagawa akong masama, patunayan mo! Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?
24 Matapos ito, si Jesus ay nakagapos pa rin na ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.
25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay patuloy na nagpapainit sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?
Hindi! kaila ni Pedro.
26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari ng mga Judio at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Jesus sa halamanan? 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at narinig na tumilaok ang manok.
28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?
30 Sila'y sumagot, Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.
31 Sinabi sa kanila ni Pilato, Dalhin ninyo siya at hatulan ayon sa inyong batas.
Subalit sumagot ang mga Judio, Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman. 32 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? tanong niya.
34 Sumagot si Jesus, Iyan ba'y sarili mong palagay, o may ibang nagsabi sa iyo?
35 Tugon ni Pilato, Hindi ako Judio. Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?
36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian!
37 Kung ganoon, isa ka ngang hari? sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.
38 Ano ba ang katotohanan? tanong ni Pilato.
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?
40 Hindi! sigaw nila. Hindi siya, kundi si Barabbas! Si Barabbas ay isang tulisan.
1 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Ang mga kawal ay kumuha ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube at 3 bawat isa'y lumalapit sa kanya at patuyang bumabati, Mabuhay ang Hari ng mga Judio! At kanilang pinagsasampal si Jesus.
4 Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan sa kanya! 5 At inilabas nga si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, Sige! Pagmasdan ninyo siya!
6 Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!
Sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, bahala kayong magpako sa kanya dahil wala akong makitang kasalanan sa kanya.
7 Sumagot ang mga Judio, Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos.
8 Nang marinig niya ang sinabi nila, lalong natakot si Pilato. 9 Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, Taga-saan ka ba? Subalit hindi tumugon si Jesus. 10 Muling nagtanong si Pilato, Ayaw mo bang makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?
11 Sumagot si Jesus, Magagawa mo lamang iyan sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.
12 Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa niyang hinangad na palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Emperador.
13 Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa hukuman, sa dakong tinatawag na Plataporma, Gabatha sa wikang Hebreo.
14 Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, Narito ang inyong hari!
15 Sumigaw sila, Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!
Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, Wala kaming hari kundi ang Emperador!
16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y maipako sa krus.
Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y Lugar ng Bungo, Golgotha sa wikang Hebreo. 18 Pagdating doon, siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. 19 Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio. 20 Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya't ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, Hindi sana ninyo isinulat ang Ang Hari ng mga Judio, kundi, Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.
22 Ngunit sumagot si Pilato, Ang naisulat ko'y naisulat ko na.
23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta. Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,
Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.
Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.
25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, Ina, ituring mo siyang sariling anak!
27 At sinabi niya sa alagad, Ituring mo siyang iyong ina! Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.
28 Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, Nauuhaw ako!
29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, Naganap na! Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya.
36 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, Walang mababali isa man sa kanyang mga buto. 37 At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus, ngunit palihim lamang dahil sa takot niya sa mga Judio. Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama rin niya si Nicodemo, ang taong nagsadya kay Jesus isang gabi. May dala siyang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango habang binabalot sa isang mamahaling tela, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.