“Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.” (Lucas 6:38)
|
|
|
|
|
|
|
08 Marso 2020
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
(I-click ang larawan)
“Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” (Mateo 17:5)
Sta. Francisca Romana |
Pagbasa: Daniel 9:4-10; Salmo: Awit 79:8-13;
Mabuting Balita: Lucas 6:36-38
36 Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.
37 Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. 38 Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagbasa: Isaias 1:10-20; Salmo: Awit 50:8-23;
Mabuting Balita: Mateo 23:1-12
1 At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad:
2 “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. 3 Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. 4 Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. 5 Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. 6 Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. 7 Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.
8 Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. 9 Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. 10 Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. 11 Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. 12 Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.
Pagbasa: Jeremias 18:18-20; Salmo: Awit 31:5-16;
Mabuting Balita: Mateo 20:17-28
17 Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: 18 “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. 19 Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong araw.”
20 Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. 21 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”
22 Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” 23 Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”
24 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. 25 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 26 Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 27 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. 28 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagbasa: Jeremias 17:5-10; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 16:19-31
16 Hanggang kay Juan ang panahon ng Batas at Mga Propeta; mula noo’y ipinangangaral na ang kaharian ng Diyos, at pinag-aagawan ito ng bawat isa.
17 Madali pang lumipas ang langit at lupa kaysa isa mang kudlit ng Batas.
18 Nakikiapid ang sinumang nagpapaalis sa kanyang maybahay at nag-aasawa ng iba; at nakikiapid din ang nag-aasawa sa babaeng pinaalis ng asawa nito.
19 May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. 20 Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat 21 at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. 22 At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. 23 Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. 24 Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’
25 Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. 26 At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’
27 Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ 29 Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ 30 Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’
31 Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Pagbasa: Genesis 37:3-28; Salmo: Awit 105:16-21;
Mabuting Balita: Mateo 21:33-46
33 Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. 34 Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. 35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.
36 Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila.
37 Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ 39 Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay.
40 Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” 41 Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.”
42 At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ 43 Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.
44 (Magkakabali-bali ang mahuhulog sa batong ito at magkakadurug-durog ang mahuhulugan nito.)”
45 Nang marinig ng mga punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. 46 Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.
Pagbasa: Micah 7:14-20; Salmo: Awit 103:1-12;
Mabuting Balita: Lucas 15:1-3. 11-32
1 Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. 2 Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” 3 Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
11 Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian.
13 Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. 14 Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. 15 Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. 16 At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya.
17 Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. 18 Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. 19 Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’
20 Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. 21 Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’
22 Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. 23 Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya 24 sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang.
25 Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. 27 Sinabi nito sa kanya: ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.’
28 Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. 29 Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga kabarkada. 30 Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’
31 Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. 32 Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.”
|
|
|
|
|
|
|