15 - 21 Marso 2020

Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo


Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” (Mateo 18:21)

15 Marso
16 Marso
17 Marso
18 Marso
19 Marso
20 Marso
21 Marso


15 Marso 2020
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma

(I-click ang larawan)

“Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:13-14)


16 Marso 2020
Pagbasa: 2 Hari 5:1-15; Salmo: Awit 42:2–43:4;
Mabuting Balita: Lucas 4:24-30

24 At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. 25 Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. 26 Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng    Sarepta sa may Sidon. 27 Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.”

28 Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, 29 tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. 30 Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.


San Patricio
17 Marso 2020
Pagbasa: Daniel 3:25-43*; Salmo: Awit 25:4-9;
Mabuting Balita: Mateo 18:21-35

21 Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” 22 Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.

23 Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. 24 Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. 25 Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang.

26 At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.

28 Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ 29 Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ 30 Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.

31 Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. 33 Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.”

35 Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”


San Cirilo de Jerusalem
18 Marso 2020
Pagbasa: Deuteronomio 4:1-9; Salmo: Awit 147:12-20;
Mabuting Balita: Mateo 5:17-19

17 Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. 18 At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.  

19 Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.


San Jose
19 Marso 2020
Pagbasa: 2 Samuel 7:4-16; Salmo: Awit 89:2-29; Ikalawang Pagbasa: Roma 4:13-24;
Mabuting Balita: Mateo 1:16-24

16 Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. 

17 Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.

18 Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.

19 Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.

20 Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, 21 at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”

22 Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: 23 “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.” 24 Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. 


20 Marso 2020
Pagbasa: Oseas 14:2-10; Salmo: Awit 81:6-17;
Mabuting Balita: Marcos 12:28-34

28 May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”

29 Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. 30 At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. 31At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”  

32 Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. 33 At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”

34 Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.


21 Marso 2020
Pagbasa: Oseas 6:1-6; Salmo: Awit 51:3-21;
Mabuting Balita: Lucas 18:9-14

9 Sinabi rin ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: 10  “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. 11 Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao – mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’

13 Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’

14 Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”

*Awit ng Tatlong Kabataan sa ibang salin
15 Marso
16 Marso
17 Marso
18 Marso
19 Marso
20 Marso
21 Marso

Mga kasulyap-sulyap ngayon: