07 - 13 Pebrero 2016



“At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim” (Mateo 6:6)

07 Pebrero
08 Pebrero
09 Pebrero
10 Pebrero
11 Pebrero
12 Pebrero
13 Pebrero

07 Pebrero 2016
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
(Unang Pagbasa: Isaias 6:1-2a.3-8; Salmo: Awit 137; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:1-11; Mabuting Balita: Lucas 5:1-11)
At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.”  (Lucas 5:10)


San Jeronimo Emiliani
08 Pebrero 2016
Pagbasa: 1 Hari 8:1-13; Salmo: Awit 132:6-10; Mabuting Balita:  Marcos 6:53-56

53 Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. 54 Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon 55 at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. 56 At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.



09 Pebrero 2016

Pagbasa: 1 Hari 8:22-30; Salmo: Awit 84:3-11;
Mabuting Balita: Marcos 7:1-13

1 Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. 


2 Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. 3 Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay. 4 At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang di muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. 


5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” 


6 At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. 7 Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.”


8 Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.”


9 At sinabi ni Jesus: “Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. 10 Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘patayin ang sinumang sumumpa sa kanyang ama o ina.’ 11 Ngunit ayon sa inyo, masasabi ninuman sa kanyang ama o ina, “Inilaan ko na para sa Templo ang maaasahan ninyo sa akin.” 12 At hindi na ninyo siya pinapayagang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”



10 Pebrero2016
Unang Pagbasa: Joel 2:12-18; Salmo: Awit 51:3-17; Ikalawang Pagbasa: 2 Cor 5:20–6:2;
Mabuting Balita: Mateo 6:1-6. 16-18

1 Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. 2 Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.


3 Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; 4 at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.


5 Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. 6 At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.


16 Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. 17 Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili 18 sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.


11 Pebrero 2016
Pagbasa:  Deuteronomio 30:15-20; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 9:22-25

22 Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”


23 Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. 24 Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. 25 Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”



12 Pebrero 2016

Pagbasa: Isaias 58:1-9; Salmo: Awit 51:3-19;
Mabuting Balita: Mateo 9:14-15

14 Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”


15 Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.



13 Pebrero 2016
Pagbasa: Isias 58:9-14; Salmo: Awit 86:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 5:27-32

27 Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya.


29 Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. 30 Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 31 Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”


07 Pebrero
08 Pebrero
09 Pebrero
10 Pebrero
11 Pebrero
12 Pebrero
13 Pebrero

Mga kasulyap-sulyap ngayon: