05 Marso 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 16 Marso 2014.)
Hindi ako lumaki sa isang relihiyosong pamilya. Naging abala ang tatay sa pagtataguyod sa aming magkapatid. Si Nanay naman ay maagang nawala. Namatay siya isang linggo matapos niyang ipanganak ang aming bunsong kapatid na lumaki sa pamilya ng tiyahin ko.
Hindi ko nakagisnan ang pagsisimba tuwing linggo. Hindi ko alam ang mga pang-araw-araw na katolikong dasal noong musmos pa ako. Alam kong may Diyos pero wala akong alam tungkol sa Kanya. Isa Siyang estranghero para sa akin.
Salamat na nga lang sa aking unang katekista kaya nabuksan ang isipan ko sa kabutihan ng Diyos. Tanda ko pa ang mga unang religion class namin tungkol sa mga likha ng Diyos. Pinapangkat pa nga namin noon ang mga bagay bilang likha ng Diyos at likha ng tao.
Iyon ang unang patikim ng Diyos ng Kanyang kaluwalhatian. Nasundan iyon ng marami pa.
Grade three ako nang magkaroon ng misa sa grounds ng aming eskuwelahan. Nabanggit ng paring nagmisang may misa tuwing Linggo ng hapon sa kalapit na chapel ng aming eskuwelahan. Natutunan kong magsimba tuwing linggo mula noon.
Patapos na ako ng elementarya nang maging parokya ang Kapilya ni San Antonio de Padua sa Malabon.
Isang kaklase ko ang nagyaya sa aking sumali sa Columbian Squires. Dose anyos ako noon. Ang pinakabatang edad para sa nasabing organisasyon. Bilang squire, sinanay kaming maging mga kabataang lider.
Nang taon ding iyon ang naging unang pag-attend ko ng Catholic Life in the Spirit Seminar.
Taong 1993 nang binyagan ako sa Simbahang Katoliko. Noong sanggol kasi ako'y sa Aglipay ako bininyagan.
Naging volunteer catechist ako sa edad na labing-apat. Naging bahagi ako ng Parish Ministry for Children. Umarte sa Panuluyan, Senakulo at iba pang mga play sa simbahan.
Naging drummer ng aming charismatic community. May mga pagkakataong tumatayo rin ako bilang prayer leader o kaya nama'y sharer o tagapagbigay ng Gospel Reflection.
Sa mga pagkakataong katulad nito at marami pang iba, nararamdaman ko ang presensya ng Diyos. Ramdam ko ang pagkilos ng Espiritu Santo sa aking buhay. Ang mga pagkakataong katulad nito ay patikim sa akin ng Diyos ng Kanyang kaluwalhatian.
Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, saksi tayo sa pagbabagong-anyo ni Hesus. Ipinakita Niya sa kasama Niyang mga alagad kung sino Siya. Siya ang Anak ng Diyos.
Ipinatikim Niya sa Kanyang mga alagad kung gaano kasarap na makibahagi sa Kanyang kaluwalhatian. Kaya hindi natin masisisi si Pedro kung mabulalas niya, "Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias."
Kumbaga sa pelikula, ang transfiguration ay isang maiksing trailer ng isang napakagandang pelikula. At nasaksihan ni Pedro at mga kasama ang trailer ng magandang pelikulang may pamagat na "Buhay Na Walang Hanggan".
Nawili si Pedro sa Kanyang nararamdaman. Ayaw na Niyang magtungo sa Jerusalem kung saan alam Niyang malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay-- lalo na ang buhay ni Hesus.
Sa maraming mga pagkakataon, ipinatitikim sa atin ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Sa ating mga mumunting mga tagumpay bilang mga lingkod o bilang mga magulang o bilang mga anak, ramdam nating hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Ramdam nating kasama natin Siya.
Ang mga "patikim" sanang ito ang maging source natin ng lakas at katatagan sa mga panahon ng pagsubok at pag-uusig. Ang mga apostol man ay inusig ng kanilang mga kaaway at hinawakan nila ang pag-asa nila sa buhay at kaligtasang kaloob ng pag-ibig ni Kristo sa kanila.
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na nagsugo sa Iyong Bugtong na Anak upang pagkalooban kami ng buhay na walang hanggan, Ikaw na lubos na nalulugod sa Kanyang mapagkumbabang pagkamasunurin, ang lahat ng pagpupuri, pagsamba at pagluwalhati ay inaalay namin sa Iyo. Ikaw ang bukal ng aming lakas. Ang tunay na kahulugan ng aming buhay.
Itinataas po namin ang lahat ng aming mga pagkukulang sa Iyo. Lumuluhog po kami sa Iyong patawarin po Ninyo ang aming mga kasalanan kung paanong pinatatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
Turuan Mo po kaming maging mapagkumbaba. Turuan Mo po kaming umibig at makipagkapwa.
Opo, Panginoon, turuan Mo po kaming palagiang magpasalamat at magpuri sa Iyo sa panahon man ng kaligayahan at tagumpay o sa panahon ng pagluluksa at kabiguan. Patuloy po naming tinatanggap ang Iyong kalooban.
Ang lahat ng ito sa matamis na Pangalan ng Iyong Anak na si Hesus na lubos Mong kinalugdan. Inutusan Mo kaming sundin at tularan Siya ayon na rin sa Iyong kalooban. Amen.