At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” (Lucas 18:42)
16-Linggo 17-Lunes 18-Martes 19-Miyerkules 20-Huwebes 21-Biyernes 22-Sabado
_________________________________________
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Kawikaan 31:10-13.19-20.30-31; Salmo: Awit 128 1-2. 3. 4-5; Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 5:1-6; Mabuting Balita: Mateo 25:14-30 )
I-click po dito para sa Gospel Reflection.
“Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.” (Mateo 25:29)
_________________________________________
17 Nobyembre 2014
Unang Pagbasa: Pahayag 1:1-25; Salmo: Awit 1:1-6
Mabuting Balita: Lucas 18:35-43
35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. 37 At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” 38 Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” 39 Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
40 Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya, at nang malapit na ay itinanong: 41 “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” 42 At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” 43 Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri rin sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Unang Pagbasa: Pahayag 3:1-22; Salmo: Awit 15:2-5
Mabuting Balita: Lucas 19:1-10
1 Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. 2 At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. 3 Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. 4 Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. 5 Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.”
6 Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. 7 Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” 8 Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” 9 At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. 10 At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Unang Pagbasa: Pahayag 4:1-11; Salmo: Awit 150:1-6
Mabuting Balita: Lucas 19:11-28
11 Malapit na ngayon si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Jesus. 12 Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. 13 Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’
14 Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’
15 Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Humarap ang una at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng sampu pa ang barya mong ginto.’
17 Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ 18 Dumating ang ikalawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’ 19 Sinabi nito sa kanya: ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. 21 Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’
22 Sinabi sa kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang di ko idineposito at inaani ang di ko inihasik, 23 bakit di mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon: ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’ 25 Sumagot sila: ‘E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’
26 ‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. 27 Ngunit dalhin ninyo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko’.”
28 Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-Jerusalem.
Unang Pagbasa: Pahayag 5:1-10; Salmo: Awit 149:1-9
Mabuting Balita: Lucas 19:41-44
41 Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: 42 “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. 43 Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. 44 Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
21 Nobyembre 2014
Unang Pagbasa: Pahayag 10:8-11; Salmo: Awit 119:14-131
Mabuting Balita: Lucas 19:45-48
45 Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, 46 at sinabi niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!”
47 Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasa-ma ang mga Matatanda ng bayan. 48 Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Unang Pagbasa: Pahayag 11:4-12; Salmo: Awit 144:1-10
Mabuting Balita: Lucas 20:27-40
27 Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. 28 At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Kinuha ng pangalawa ang biyuda, 31 at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila 32 at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. 33 Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
34 Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. 35 Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. 36 Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. 37 Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. 38 Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”
39 Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” 40 Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.