Isang Love Story


Ikatlong Simbang Gabi
Ikatlo sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
18 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Ang bawat love story, sa mga pocketbook man, [sa wattpad man] o sa totoong buhay, dumaraan muna sa mga pagsubok ang mga bida bago dumating sa isang happy ending.

Hindi naging exception ang naging love story ni San Jose at ni Birheng Maria. Sa umpisa, tila wala nang magiging problema. 

Nakatakda na silang ikasal nang malaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao. Parang nakikita natin kung paanong nabasag ang puso ni San Jose nang matuklasan niyang buntis ang pinakamamahal niyang si Maria. Katunayan, inisip niyang hiwalayan ng lihim ang babae.

Subalit sa gitna ng kanilang pag-iibigan ay naroon ang Diyos. Nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel at sinabi sa kanya ang katotohanan tungkol sa pagbubuntis ni Birheng Maria. Magiging maayos ang lahat. Susundin ni Jose ang utos ng anghel at pakakasalan si Maria. Tinanggap niya ang responsibilidad na maging ama ni Hesus na nasa sinapupunan pa lamang.

Napakahalaga ng desisyong ito ni San Jose sapagkat dahil dito matutupad ang propesiya ukol sa Mesiyas na magmumula sa angkan ni David. Malalayo rin sa panganib ang buhay ni Maria at ng sanggol na si Hesus. (Noong panahong iyon, ang sinumang matagpuang nagdadalang-tao dahil sa pangangalunya ay binabato hanggang sa mamatay).

Sa unang tingin, lalo na at hindi mo na itutuloy pa ang pagbabasa ng Bagong Tipan, sasabihin nating happy ending na ang kasunod nito. Hindi ganu'n ang mangyayari sapagkat magkasamang haharapin ng mag-asawang Jose at Maria, kasama ng batang si Hesus, ang napakaraming mga pagsubok.

Ang bawat tao ay may kanya-kanyang mga love story. Maaaring ito'y sa pagitan ng mag-asawa, ng magkapatid, ng magulang at anak, ng magkaibigan, ng magka-ibigan. 

Sa gitna ng love story ng ating mga buhay, panatilihin sana nating nasa gitna nito ang Diyos. Tunay ngang kayang lampasan ng bawat nagmamahalan ang lahat ng pagsubok basta kasama nila ang Diyos-- tulad ng pag-iibigan ni Jose at ni Maria.

"Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos"). (Mateo 1:23)

Panalangin:

O Diyos ng pag-ibig, Ikaw na sa amin ay nagmahal ng lubos at nagnais na kami'y makapiling, Ikaw na gumawa ng paraan upang makalapit Kami sa Iyo sa pamamagitan ni Kristo, sambahin ang Ngalan Mo.

Paulit-ulit Ka po naming pinasasalamatan sa mga biyaya Mong siksik, liglig at umaapaw.

Basbasan po Ninyo ang bawat mag-asawang nagsisikap na gawing matatag ang kanilang mga pamilya. Lalo na po silang ngayon ay dumaraan sa matitinding mga pagsubok. 

Maging mabuti sana silang mga magulang sa kanilang mga anak. Palakihin nawa nila ang kanilang mga anak na may takot at pagsamba sa Iyo.

Bigyan Mo po sila ng kalusugan upang maipagpatuloy nila ang kanilang paghahanap-buhay upang maitawid nila ang pang-araw-araw habang tangan ang pag-asa ng isang magandang bukas.

Ang lahat ng ito'y hinihingi namin sa matamis na Pangalan ni Hesus, na nagkaloob ng Kanyang sarili ng dahil sa Kanyang pag-ibig sa amin, kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: