Ikaapat na Linggo ng Adbiyento
Ikawalong Simbang Gabi
Ikawalo sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem"
23 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
Muli nating masasaksihan ang pagdadaop-palad ng magpinsang Birheng Maria at Elizabet na kapwa puno ng kagalakan. Nakihati sa galak na ito ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet na si San Juan Bautista. Ang sanggol ay naggagalaw nang marinig ni Elizabet ang boses ni Birheng Maria.
Sa pagkikita nina Maria at Elizabet, inaalala natin ang ating mga pamilya. Lalo na ang ating mga kapamilyang nalalayo sa atin. Ang mga mahal nating nasa ibang bansa. Kumakayod upang makamit natin ang magandang kinabukasan. Idalangin natin sila.
Huwag natin silang kalimutang batiin. Hindi man nila tayo makita ng personal, maraming paraan upang ipahatid natin ang ating pagmamahal. Nariyan na ang convenience na hatid ng makabagong teknolohiya. Sa ganitong paraan, kahit paano'y makukumpleto ang kanilang Pasko.
Gayundin naman, sadyain natin ang mga taong nakasamaan natin ng loob. Matuto tayong humingi ng tawad at magpatawad.
Si Hesus ang sentro ng kaligayahan nina Birheng Maria, Elizabet at ng sanggol na si Juan Bautista. Si Hesus ang dapat na maging sentro ng ating Pasko. Ipahayag at ipadama natin sa mundo ang kanyang walang hanggang pag-ibig.
Kasama ang ating mga pamilya, sama-sama nating ipagbunyi ang matamis Niyang pangalan sapagkat ang Diyos ng pag-ibig ay isinilang sa isang sabsaban. Hindi natin kailangang lumayo upang makilala Siya. Naroon Siya sa ating mga puso. Naghihintay. Patuloy na umiibig.
Panalangin:
O aming Diyos Ama, kaming mga inampon Mo'y marubdob na lumalapit sa Iyo. Kalakip ng aming pagpupuri at pagsamba, idinadalangin namin ang mga mahal namin sa buhay na malayo sa amin. Ingatan Mo po sila at ilayo sa lahat ng uri ng sakuna.
Kami po, sampu ng aming mga pamilya, ay lumalapit sa Inyo, madama po sana namin ang tunay na diwa ng Pasko. Ang amin po sanang pagmamahal sa isa't-isa ay lalo pang lumalim. Patibayin N'yo po sanang lalo ang aming samahan. Turuan mo po kaming magpatawad at humingi ng tawad.
Tulungan n'yo po kaming maging mapagkumbaba tulad ng Iyong mga lingkod na sina Birheng Maria at Elizabet. Wala po kaming magagawa kung malayo kami sa Inyo.
Bigyan N'yo po kami ng pusong mapagbigay at ng bukas na palad na handang magbahagi ng mga biyayang tinatanggap naming nagmula sa Iyo. Turuan Mo po kaming ibalik ang mga ito sa Iyo.
Sa Ngalan ni Hesus, ang lahat ng ito ay hinihiling namin. Inaangkin naming pag-ibig Mo ang Siyang dahilan kaya ipagdiriwang namin ang Pasko, ang Pasko ng Iyong walang hanggang pag-ibig. Amen.