Magalak Magpakailanman!


Ikapitong Simbang Gabi
Ikapito sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
22 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Tayo'y inaanyayahan ng ating Ebanghelyo na sumabay sa awit ng ating Inang Birheng Maria. Inawit niya ang Magnificat na tungkol sa kabutihan ng Diyos na nagpala sa kanya.

Ang walang hanggang kabutihan ng Ama ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay ngayon sa mundong ito. Taglay ang iisang binyag sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo, nakikihati tayo sa nag-uumapaw na kagalakan ng ating inang ubod ng linis at sa mga biyayang kaloob Niya.

Tinupad ng Diyos ang kanyang pangako sa kanyang bayang kasalukuyang nasasadlak sa pagkakasakop ng mga Romano. Pangakong binigkas Niya kay Abraham at sa kanyang lahi. Kalayaan sa pagkaalipin ang Kanyang ipinangako. Kalayaan mula sa kamatayang bunga ng kasalanan ang Kanyang ipinagkaloob sa pamamagitan ni Kristo. 

Isang haring mamumuno ang inasahan ng mga Hudyo. Isang haring naglingkod, nagmahal, umunawa, nag-alay ng buhay ang ipinagkaloob ng Diyos. Isang panginoon ang kanilang hinintay. Ang dumating ay isang nagmamahal na Kaibigan (Juan 15:15). Korderong tupa ang inialay ng mga pari sa altar. Bugtong na Anak Niya ang Kanyang ipinadala upang magsilbing alay sa ikawawala ng kasalanan ng mundo.

Sabayan natin ang ating Inang Birheng Maria sa pag-awit:

"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas..." (Lucas 1:46-47)

Panalangin:

Ama naming lumikha sa sangkatauhan, Ikaw na nag-aalok sa amin ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni HesuKristo, sambahin ka at ipagbunyi ng buong mundo.

Nag-uumapaw po sa kagalakan ang aming mga pusong lumulutang ngayon. Batid naming palagi mong tinutupad ang Iyong mga pangako. Ang kapahingahang ipinagkaloob ng Iyong anak (Mateo11:28-30) ay nagpapaangat sa aming kaluluwa habang sumasabay kami sa awit ng aming Inang nagpupuri sa Iyo.

Tunay nga pong kaybuti Mo. Hindi mo nililimot ang mga umaasa't nananalig sa 'Yo. Gabayan mo po ang iyong bayan-- ang bagong Israel. Lalo na po ngayong nalalapit na ang kinasasabikan naming pagdiriwang ng Kapanganakan ng Iyong Anak na si Hesus sa isang sabsaban sa Bethlehem.

Si Hesus po sana ang maging sentro ng mga pagdiriwang at ng aming kaligayahan. Purihin ang Iyong Ngalan, O aming Diyos na Tagapagligtas. Hindi mo nililimot ang Iyong bayang hinirang.

Purihin Ka sa pamamagitan ni Hesus, Diyos na nagkatawang-tao, kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: