May Paraan Ang Diyos


Ikaapat na Simbang Gabi
Ikaapat sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
19 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Noon pa man, lagi na nating naririnig sa ating mga pari at mga preacher na kapag humihiningi tayo sa Diyos ay tatlo ang maaari Niyang maging sagot sa atin. Una ay "Oo" at agad nating matatanggap ang ating hiling. Ang ikalawa ay "Hindi", maaaring may dahilan ang Diyos kaya hindi Niya ito ipagkakaloob.  At ang ikatlo ay "Maghintay lamang", ibig sabihin ibibigay Niya ang kahilingan subalit sa tamang panahon.

Sa kaso ni Zacarias, maaaring buhat nang ikasal sila ng asawa ay inasam-asam na niya ang pagkakaroon ng anak. Normal ito sa mga bagong mag-asawa. Malamang ay araw-araw na kasama ito sa kanyang mga panalangin hanggang sa sila'y tumanda at siya'y mapagod sa kanyang pag-asa. Tila matagal na niyang tinanggap na hindi na sila magkakaanak ng asawang si Elizabet.

Kaya hindi natin masisisi si Zacarias kung ganu'n na lamang ang kanyang pag-aalinlangan nang ibalita sa kanya ni Anghel Gabriel na magkakaroon sila ng anak. "Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa."(Lucas 1:18)

Dahil dito ay naparusahan siyang maging pipi hanggang sa matupad ang tinuran ng Anghel.

Katulad ni Zacarias, may mga pagkakataong hindi natin maunawaan ang mga paraan ng Diyos. Ito ang nagtutulak sa marami sa ating mag-alinlangan sa Diyos. Ang iba nga'y nagagawa pang tuluyang tumalikod sa Kanya.

Sa ating pagninilay sa mga Simbang Gabi-- na sa seryeng ito'y itinuturing nating paglalakbay pa-Bethlehem-- tulad ni Zacarias ay marami tayong mga katanungan. Ako man sa sarili ko'y maraming gumugulo sa aking isipan. Lalo na at araw-araw nating nakikita sa TV ang kalunus-lunos na sinapit ng ating mga kababayang sinalanta ng bagyo.

Subalit hindi mababago ng mga katanungang ito ang katotohanang mahal tayo ng Diyos. Na kung mananalig lamang tayo sa Kanyang pag-ibig ay hindi Niya tayo pababayaan.

"Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali." (Isias 49:15)


At sa pagdating ng tamang panahon, katulad ni Elizabet, mapupuno ng galak ang ating mga puso. "Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!" (Lucas 1:25)

Panalangin:

O aming Amang sa ami'y patuloy na nagmamahal, Ikaw na hindi napapagod na makinig sa aming mga daing, patuloy Ka nawa naming sambahin at ibigin.

Salamat po sa mga tulong mula sa aming kapwang dumarating sa amin. Sa aming mga mahal sa buhay, mga kaibigan at sa maraming taong ginagamit mong instrumento. Patuloy po Ninyo silang pagpalain upang mas marami pa silang matulungan.

Ipadala po Ninyo sa amin ang Inyong Banal na Espiritu upang gabayan kaming patuloy na manalig sa Iyo. Itinataas po namin sa Iyong mapagpalang grasya ang aming buong buhay at lahat ng pag-asa. Nagtitiwala po kaming hindi Ninyo kami pababayaan.

Katulad po ng mag-asawang Zacarias at Elizabet, manatili po sana kaming tapat sa Iyo kahit na po hindi namin matanggap ang aming hinihiling. Batid po naming alam Ninyo ang aming mga pangangailangan kahit na hindi pa namin sabihin sa Inyo. Hindi kami magkukulang kung Ikaw ay kasama namin.

Ang mga ito po'y hinihingi namin sa Pangalan ni Hesus kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: