Si Hesus Sa Ating Kasaysayan


Ikalawang Simbang Gabi
Ikalawa sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
17 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Kapag may mga family reunion, madalas kaysa hindi ay nagtatanungan ang mga dumalo-- lalo na ang mga matatanda-- ukol sa mga magulang ng mga nakababata. Sa paraan kasing ito, mas magiging madali para sa isa't-isa na malaman ang kaugnayan ng bawat isa. Halimbawa; kung ikaw ay anak ng aking pinsan, ikaw ay pamangkin ko sa pinsan.

Marami rin sa mga pamilyang nagdaraos ng ganitong mga reunion ay may libro ng kanilang family tree kung saan nakatala ang mga pangalan at ang mga kaugnayan ng mga miyembro ng angkan.

Sa ating Ebanghelyo, mababasa natin ang pinagmulang lahi ni Hesus. Itinala ito ni San Mateo, maaaring sa dalawang kadahilanan. Una, upang patunayang si Hesus nga ay Anak ni Haring David sapagkat ang Mesiyas, ayon sa propesiya,  ay magmumula sa angkan ng nasabing hari. Ito ang sinabi ng Diyos kay Haring David sa pamamagitan ng propeta:

"Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Ako'y kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak." (2 Samuel 7:12-14)

At ikalawa, upang ipakitang si Hesus ay aktuwal na sumama sa kasaysayan ng tao sa isang espisipikong panahong sinukat ng mga salinlahi.

Hindi perpekto ang angkang pinagmulan ni Hesus. Marami sa mga nabanggit na pangalan sa genealogy ay mga makasalanan.

Kasama rin sa pagbanggit ng nasabing salinlahi ay ang ilang highlights sa kasaysayan ng Bayang Israel. Masasalamin sa nasabing kasaysayan ang mga tagumpay at kabiguan ng bayang pinili ng Diyos.

Sa ating pagtahak sa landasin patungong Bethlehem, ipinakikilala sa atin ni San Mateo si Kristo. Si Hesus ay isinilang ni Maria at naging anak ni Jose na nagmula sa angkan ni Haring David. Siya ay naging bahagi ng kasaysayan ng tao upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa pamamagitan Niya, tayo'y naging mga ampong anak ng Diyos. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos at naging tunay na Anak ng Tao.

Isang paghahayag: Ako si Lordabenson, anak ni Ben-Oni at Ma. Antonina, asawa ni Rizza at ama ni Lei Rhiz, inampong anak ng Diyos sa pamamagitan ni HesuKristo. Isang makasalanang sinagip mula sa kasalanan ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, si Hesus na isinilang ni Birheng Maria, nakipamayan sa atin, ipinako at namatay sa krus, muling nabuhay sa ikatlong araw, umakyat sa langit at muling babalik sa wakas ng panahon.

Ikaw, paano mo ipakikilala ang iyong sarili?

Panalangin:

Panginoon naming Diyos, walang hanggang Ama ng simbahang itinatag ng Iyong Anak, purihin Ka't sambahin ng aming mga kaluluwang umaasa sa Iyong banal na awa.

Nagkatawang-tao si Hesus upang muli kaming makalapit sa Iyo. Angkinin po sana namin ang kaligtasang Kanyang ipinagkakaloob. Huwag sana naming balewalain ang Kanyang pag-ibig. Ipagkaloob po Ninyo sa amin ang Banal na Espiritung Tagapagpabanal. Tulungan Mo po kaming sumunod sa Kanya habang pasan ang mga krus ng aming mga buhay.

Ingatan po Ninyo ang aming mga pamilya, sampu ng aming mga angkan. Panatiliin N'yo po silang ligtas sa lahat ng anyo ng sakuna. Igalang po nawa namin ang aming mga magulang at mga nakatatanda sa amin. Si Hesus po nawa ang maging sentro ng aming mga buhay.

Hinihiling at inaangkin po namin ang lahat ng ito sa pamamagitan ni Hesus, Iyong Anak at Anak ni Birheng Maria na asawa ni San Jose na nagmula sa angkan ni Haring David, kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: