Mapalad Ang Nanampalataya


Ikaanim na Simbang Gabi
Ikaanim sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
21 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Pananampalataya. 

Ito ang naging tulay ni Maria upang maging bukod na pinagpala sa babaeng lahat. Dumating sa kanya ang grasya ng Diyos dahil sa kanyang pananalig sa Mabuting Balitang sinambit ni Anghel Gabriel. Ang katotohanang ito'y sinambit ng mga labi ng kanyang pinsan.

May mga kaibahan man sila ni Elizabet-- bata pa si Maria samantalang si Elizabet ay may edad na-- ay pinagsaluhan nila ang iisang pananampalataya at pagtitiwala sa mga paraan ng Diyos.

Ang parehong pananampalataya ang pinanghawakan ng mga apostol at ng mga santo sa kanilang pagpapahayag at pagpapakalat ng Mabuting Balita.

Bukod na pinagpala sa babaeng lahat si Birheng Maria sapagkat dumating sa kanya ang pinakamahalagang Grasya ng Diyos sa sangkatauhan. Nasa kanyang sinapupunan ang Bugtong na Anak ng Diyos na tutubos sa sanlibutan. Tatawagin siyang Ina ng Diyos.

Pagpapala ang bunga ng pananampalataya. Kapag sinabi nating pagpapala, hindi ito nangangahulugan ng mga materyal na bagay lamang. Kung pagmamasdan lamang natin ang ating paligid, malalaman at makikita nating tunay ngang mapalad tayo dahil ang buhay nati'y hitik sa pagpapala ng Diyos.

Ngayong Panahon ng Kapaskuhan, huwag sana nating kalimutang ipagpasalamat ang napakaraming biyayang dumarating sa ating mga buhay. Taglay ang isang nananalig na puso, huwag sana nating kalimutang ipagpasalamat ang pagkakatawang-tao ni Hesus dahil ang sabsaban ay tunay na larawan ng mapagpalang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan.

Panalangin:

O aming Amang pinakamakapangyarihan sa lahat, ikaw na nagkaloob ng pagpapala kay Birheng Maria at sa pinsan niyang si Elizabet, purihin ka ng aming mga labi, mahalin Ka ng aming mga puso at luwalhatiin Ka ng aming mga kaluluwa.

Kami po'y nananalig sa Inyong kapangyarihan. Batid po naming lagi Ka naming kasama sa araw-araw. Gabayan po nawa kami ng Iyong Banal na Espiritu upang ang lahat ng aming gagawin ay maging para sa Iyong kaluwalhatian.

Turuan mo po kaming parangalan ang aming Inang Birheng Maria kung paanong Ikaw ang unang nagpala sa kanyang maging Ina ni Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamayan sa amin.

Ang lahat po ng ito ay hinihingi at inaangkin namin sa Pangalan ni Hesus, ang Iyong Kaisa-isang Anak na minsang naging Sanggol sa sinapupunan ni Birheng Mariang bukod na pinagpala sa babaeng lahat, kasama ng Espiritu Santo. Amen.  



Mga kasulyap-sulyap ngayon: