Ordinaryong Araw


Ikalimang Simbang Gabi
Ikalima sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
20 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Turning point. 

Sa kasaysayan ng ating kaligtasan, ang Anunsasyon (o ang pagbati ng Anghel Gabriel kay Birheng Maria) ay isa sa maraming pangyayaring maituturing nating turning point.

Isa lamang iyong ordinaryong araw para kay Birheng Maria kung hindi nagpakita sa kanya ang Anghel Gabriel. Isa iyong ordinaryong araw para sa sangkatauhan kung hindi binitiwan ni Birheng Maria ang kanyang pagsang-ayon. 

"Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." (Lucas 1:38)

Ang mapagkumbabang mga salitang ito ay sapat na upang umalis ang anghel. Tapos na ang kanyang pakay. Matutupad na ang sinabi ng Diyos, ang binhing dudurog sa ulo ng ahas ng Genesis (Genesis 3:15) ay mabubuhay na sa sinapupunan ni Birheng Maria. 

"Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan." (Lucas 1:31-33)

Ang babaeng pinili ng Diyos buhat pa noong una na maging ina ng Kanyang Bugtong na Anak ay nagsalita na. Simple lamang ang mga salitang iyon subalit naging napakalaki ng epekto nito sa sangkatauhan.

Katulad ni Maria, ang buhay natin ay dumarating sa mga turning points. Ang araw na ito'y isa lamang ordinaryong araw subalit maaari itong maging simula ng isang malaking pagbabago kung tatanggapin natin si Hesus ngayon! At gagawin Niyang espesyal ang araw na ito.

Oo, ngayon. Hindi bukas at hindi sa makalawa. Ngayon. Simulan natin ang pagbabago sa ating buhay ngayon. Sapagkat kahit na sa tingin nati'y hindi natin kaya, "walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos." (Lucas 1:37)

*Turning point (noun) - a time at which a decisive change in a situation occurs, especially one with beneficial results (http://oxforddictionaries.com).

Panalangin:

O aming Ama, Ikaw na tinanggap ni Birheng Maria, niluluwalhati Ka po namin sa araw na ito hanggang sa dulo ng panahon.

Hayaan po Ninyong tanggapin namin si Hesus sa aming buhay bilang aming tagapagligtas. Ang Iyo pong kalooban ay maganap nawa sa aming mga buhay. Ang lahat ng ito'y nagmula sa Iyo at muli naming ibinabalik sa Iyo.

Ang lahat po ng aming mga problema at agam-agam ay itinataas namin sa Inyo. Kung nanaisin po Ninyo'y maaari po itong mawala ngayon. Sa pamamagitan po sana ng mga pagsubok na ito'y lalo pang lumalim ang aming pananampalataya sa Inyo.

Ang lahat po ng ito'y inaangkin namin sa Pangalan ni Hesus, kasama ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpasawalang-hanggan. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: