Second Chance


Ikasiyam na Simbang Gabi
Ikasiyam sa seryeng "Simbang Gabi: Landasing Pa-Bethlehem" 
24 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Ang ating Ebanghelyo ay ang awit ni Zacarias. Namutawi ito sa kanyang mga labi nang ipanganak ang sanggol na pinangalanan niyang "Juan". Napuspos siya ng Espiritu Santo at mapuno ng kagalakan ang kanyang pusong minsang binalot ng pag-aalinlangan.

Matatandaang hindi siya naniwala sa sinabi ng Anghel Gabriel na magkakaroon sila ng anak ng kanyang asawang si Elizabet. "Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa" (Lucas 1:18), ang  isinagot niya sa anghel na tagapagbalita. Buhat nang araw na iyo'y napipi siya hanggang matupad ang pinasabi sa kanya ng Diyos.

Si Zacarias ang simbulo ng second chance sa istorya ng Pasko-- sa ating paglalakbay pa-Bethlehem. Ang Pasko ng Kapanganakan ni Hesus ay tungkol din sa second chances na ipinagkakaloob ng Diyos sa atin. Hindi nagkatawang-tao si Hesus para sa mga banal at malilinis na.

"Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid." (Marcos 2:17) 

Hindi naglakbay sa dilim ng gabi ang mag-asawang Jose at Maria para manatili sa dilim. Humantong sila sa sabsaban ng pagpapakumbaba ng Diyos.

Buong kababaang isinilang si Hesus sa isang kulungan ng mga hayop. Hinubad Niya ang Kanyang kaluwalhatian upang maabot Niya tayo. Kahit pa katulad ni Zacarias ay nag-alinlangan tayo sa Kanya. Kahit pa sukdulang talikuran at kalimutan natin Siya. Hindi mahirap abutin ang Diyos. Hindi natin kailangang lumipad sa mga ulap. Hindi natin kailangang maging makapangyarihan.

Si Hesus ang tanglaw ng mga nasa kadiliman. Siya ang Sanggol ng Pasko na nabalot ng lampin at nahiga sa sabsaban para sa iyo... para sa ating lahat.

Panalangin:

O aming Diyos Ama, purihin Ka at sambahin ng aming mga kaluluwang nagbabalik-loob sa Iyo. 

Hindi Mo po tinitingnan ang aming mga pagkukulang bagkus ay pinupunan Mo ang aming mga kabutihang kulang na kulang. Tulungan Mo po kaming lumapit sa Iyong Anak. Inaari namin Siyang lakas sa aming kahinaan. Pag-asa sa panahon ng kabiguan. Isang tunay na Kaibigang lagi naming kasama.

Sa kaibuturan ng aming mga puso, hinihingi po namin ang Iyong kapatawaran. Nagkamali po kami nang inakala naming higit na mabuti ang paraan ng mundo. Nilimot po namin ang aming pangakong mananatili kami sa Iyong mapagpalang grasya.

Panginoon, salamat po sa lahat ng biyayang ito. Salamat po sa pinakamagandang regalong tinanggap namin sa Kapanahunan ng Pasko-- ang Iyong Anak na patuloy na lumalapit sa amin.

Sa pamamagitan ni Hesus, kasama ang Espiritu Santo, ang lahat ng papuri at pagbubunyi ay inaalay namin sa Iyong paanan, aming Amang lubos na umiibig sa amin noon, ngayon at magpakailanman. Amen.  

 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: