Ano'ng Dapat Nating Gawin?


Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Unang Simbang Gabi
Una sa seryeng "Simbang Gabi: Landasin Pa-Bethlehem" 
16 Disyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Trivia: Alam ba ninyong ang Minor Basilica ng Black Nazarene o ang Simbahan ng Quiapo ay Parokya ni San Juan Bautista?

Marami sa atin ang hindi nakakaalam ng bagay na ito. Ito ay sa kabila ng katotohanang marami sa atin ang nagpupunta sa Quiapo para sa ating pagdedeboto sa Poong Nazareno.

Katulad ng Parokya niya sa Quiapo, si San Juan Bautista ay nangangaral sa ating Ebanghelyo hindi upang dalhin ang mga tao sa kanyang sarili. Nangangaral siya upang dalhin ang mga tao kay Kristo. Tinawag pa niya ang kanyang sariling "ni hindi man lamang karapat-dapat na magkalag ng sintas ng Kanyang sandalyas." (Lucas 3:16)

Tunay ngang kahanga-hanga ang kanyang kababaang-loob. Sa kabila ng kanyang kabanalan, nanatili siyang mapagkumbabang lingkod ng Diyos. Si Juan Bautista ay karapat-dapat na ehemplo ng mga taong nais na sumunod kay Hesus.

Kaya nga, maraming mga taong lumapit sa kanya at nagtanong kung ano ang kanilang dapat gawin. Iba-iba man ang isinagot niya ayon sa trabaho ng mga nagtatanong, iisa ang buod ng kanyang mga sagot-- dalhin mo sa trabaho at pang-araw-araw mong buhay ang iyong kabutihan.

Marami sa atin ang mabubuti lamang kapag nasa loob ng simbahan. Iba na ang pagkatao kapag nasa bahay na o nasa trabaho, lalo na kung alam nating walang nakakakita o wala tayong kilalang nakakakita. 

"Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain." (Lucas 3:11)

Katulad ni Juan Bautista, ipakilala natin si Kristo at ilapit sa ating kapwa lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan. 

Panalangin:

Panginoon naming Diyos na aming Ama magpakailanman, narito po ang aming mga puso't kaluluwang nagpupuri at sumasamba sa Iyo. Salamat po sa mga biyayang tinatanggap namin sa araw-araw na nagmumula sa Iyong mapagmahal na awa.

Bigyan mo po kami ng pusong mapagkumbaba at masunurin. Tularan po sana namin ang halimbawang ipinakita ni San Juan Bautista. Siya na isinilang upang mauna sa Iyong Anak. Siya ang naging tagapaghanda ng daraanan ng aming Panginoong Hesus.

Katulad po niya, gabayan po Ninyo kami upang magawa naming ihanda ang daraanan ni Hesus sa Kanyang pagbabalik. Magawa po sana naming ihanda ang aming mga sarili sa aming pagharap sa Kanyang kabanal-banalang presensya. Imposible po ito kung ang aasahan lamang po namin ay ang aming sariling kakayahan subalit walang imposible sa Iyong mapagpalang grasya.

Gabayan po sana Ninyo kami sa aming pag-uumpisa ng Simbang Gabi. Sa bawat pagdalo po namin sa Nobenaryo ng Kapanganakan ni Hesus, lalo po sana naming maintindihan ang misteryo ng Kanyang pagkakatawang-tao at lalo naming maramdaman ang Inyong pag-ibig.

Ang lahat po ng ito ay hinihingi at inaangkin namin sa matamis na Pangalan ng aming Panginoong Hesus, kasama ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen. 


Mga kasulyap-sulyap ngayon: