Miyerkules ng Abo - 05 Marso 2014



Unang Pagbasa: Joel 2:12-18

12 "Gayunman," sabi ni Yahweh,
"mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.

13 Magsisi kayo nang taos sa puso,
at hindi pakitang-tao lamang."
Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
Siya'y mahabagin at mapagmahal,
hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig;
laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.

14 Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos
at bigyan kayo ng masaganang ani.
Kung magkagayon,
mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion!
Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!

16 Tawagin ninyo ang mga tao
para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.

17 Mga pari, tumayo kayo
sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo,
manangis kayo't manalangin nang ganito:
"Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh!
Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa
at tanungin, 'Nasaan ang inyong Diyos?'"

18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
at naawa siya sa kanyang bayan.

Salmo: Awit 51:3-6. 12-14. 17

3 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang- loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!

4 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!

5 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.

6 Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.

12 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.

13 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.

14 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.

17 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:20-6:2

20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.

1 Yamang kami'y mga katulong sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos. 2 Sapagkat sinasabi niya,

"Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita."

Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas!

Mabuting Balita: Mateo 6:1-6. 16-18

1 "Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.

2 "Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. 4 Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."

5 "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

16 "Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag- aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."

Ikawalong Linggo Sa Karaniwang Panahon - 02 Marso 2014





Unang Pagbasa: Isaias 49:14-15 

14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,

"Pinabayaan na tayo ni Yahweh. Nakalimutan na niya tayo."

15 Ang sagot ni Yahweh,
"Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.

Salmo: Awit 62:2-3. 6-7. 8-9

1 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;

ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.

2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin? Tulad ng isang pader siya'y ibagsak gaya ng bakod siya'y mawawasak.

6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos,
nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.

8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos;
sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)

9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 4:1-5

1 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Kahit na walang umuusig sa aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong hahatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.

Mabuting Balita: Mateo 6:24-34

24 "Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.


25 "Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 "At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buhay ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 "Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 33 Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.

34 "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw."

Sambuhay TV Mass - 23 Pebrero 2014





Ang video na ito ay hindi pag-aari ng Sa Isa Pang Sulyap... Ito ay pag-aari ng ST PAULS AUDIOVISUALS. Ito ay ipinost sa blog na ito upang mas madaling puntahan ng mga Pilipinong hindi makapagsimba sa araw ng Linggo dahil sa maraming kauna-unawang kadahilanan-- lalo na ang mga OFW na malayo sa mga Katolikong Simbahan.

Hindi po ito alternatibo o pamalit sa aktuwal na pag-attend sa Misa. Dapat po nating tandaang ang Misa ang pinakamataas na anyo ng pagsamba. Ito ang ating pakikihati at pakikisalo sa ating sambayanan-- ang Simbahang Taong Mistikong Katawan ng ating Panginoong Hesus.

Kung nais po ninyong tumulong sa media ministry ng ST PAULS AUDIOVISUALS, ipadala ang inyong love offerings/donations sa Sambuhay TV Mass, BPI Current Savings Account No.: 3561046351 -- BPI Buendia-Pasong Tamo Branch. 






23 Pebrero - 01 Marso 2014

23-Linggo 24-Lunes 25-Martes 26-Miyerkules 27-Huwebes 28-Biyernes 01-Sabado


23 Pebrero 2014
Ikapitong Linggo Sa Karaniwang Panahon
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 
( Unang Pagbasa: Levitico 19:1-2. 17-18; Salmo: Awit 103:1-2. 3-4. 8-10. 12-13Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:16-23Mabuting Balita: Mateo 5:38-48 )
I-click dito para sa Gospel Reflection.

Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit..." (Mateo 5:44-45)

_________________________________________


24 Pebrero 2014
Pagbasa: Santiago 3:13-18; Salmo: Awit 19:8-15
Mabuting Balita: Marcos 9:14-29

14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, "Ano ang inyong pinagtatalunan?"


17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, "Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas."

19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!"

20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 "Kailan pa siya nagkaganyan?" tanong ni Jesus sa ama.

"Simula pa po noong bata siya!" tugon niya. 22 "Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo."

23 "Kung may magagawa ako?" tanong ni Jesus. "Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya."

24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, "Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya."

25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, "Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!"

26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, "Patay na siya!" 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.

28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, "Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?"

29 Sumagot si Jesus, "Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin."

25 Pebrero 2014
Pagbasa: Santiago 4:1-10; Salmo: Awit 55:7-23
Mabuting Balita: Marcos 9:30-37

30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.


33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, "Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?" 34 Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.

35 Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, "Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat." 36 Tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 "Ang sinumang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin."

26 Pebrero 2014
Pagbasa: Santiago 4:13-17; Salmo: Awit 49:2-11
Mabuting Balita: Marcos 9:38-40

38 Sinabi sa kanya ni Juan, "Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan."


39 Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.

27 Pebrero 2014
Pagbasa: Santiago 5:1-6; Salmo: Awit 49:14-20
Mabuting Balita: Marcos 9:41-50

41 Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala."


42 "Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. 43-44 Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. 47 At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na kulang ng isang mata, kaysa may dalawang matang itapon ka sa impiyerno. 48 Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy.

49 "Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy. 50 Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Maging kagaya kayo ng asin, at mamuhay kayong mapayapa sa isa't isa."

28 Pebrero 2014
Pagbasa: Santiago 5:9-12; Salmo: Awit 103:1-12
Mabuting Balita: Marcos 10:1-12

1 Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila'y kanyang tinuruan.


2 May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, "Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?"

3 Sumagot siya, "Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?"

4 Sumagot naman sila, "Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa."

5 Ngunit sinabi ni Jesus, "Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. 6 Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. 7 'Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa 8 at ang dalawa'y magiging isa.' Hindi na sila dalawa kundi isa. 9 Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman."

10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi niya sa kanila, "Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya."

01 Marso 2014
Pagbasa: Santiago 5:13-20; Salmo: Awit 141:1-8
Mabuting Balita: Marcos 10:13-16

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos." 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.


23-Linggo 24-Lunes 25-Martes 26-Miyerkules 27-Huwebes 28-Biyernes 01-Sabado

Ikapitong Linggo Sa Karaniwang Panahon - 23 Pebrero 2014



Unang Pagbasa: Levitico 19:1-2. 17-18

1 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 "Sabihin mo sa buong sambayanan ng Israel, 'Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal.

17 "Huwag kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.

Salmo: Awit 103:1-2. 3-4. 8-10. 12-13

1 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya,
purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.

2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.

3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.

4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.

8 Si Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.

9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.

10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.

13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:16-23

16 Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, "Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan." 20 Gayundin, "Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan." 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Para sa inyo ang lahat ng ito, 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.

Mabuting Balita: Mateo 5:38-48

38 "Narinig ninyong sinabi, 'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.' 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit panloob, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal. 41 Kung pilitin ka ng manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo."

43 "Narinig ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.' 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 "Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit."

Mga kasulyap-sulyap ngayon: